454 total views
Puspusan pa rin ang pakikibahagi at pagtugon ng Simbahan sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Ito ang tiniyak ni Order of Carmilites Justice and Peace Convenor Rev. Fr. Gilbert Billena kaugnay sa pagtugon ng Simbahan sa kampanya ng pamahalaan na tinaguriang War on Drugs.
Gayunpaman nilinaw ng Pari na community based drug rehabilitation program ang paraan ng pagtugon ng Simbahan sa naturang programa na taliwas sa marahas na pamamaraan ng pamahalaan na libu-libong small time drug users at pushers ang napatay.
“Simbahan ay tumutulong tayo gayundin sa aming parokya tumutulong tayo sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng community based drug rehabilitation program, isa yan sa mga paraan na tinutugunan natin ang War on Drugs sa makataong paraan hindi dun sa approach na magba-violent ng karapatang pantao…” pahayag ni Fr. Billena sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang nilinaw ng Pari na hindi sinasalamin ng pinakahuling SWS survey ang katotohanan na lalong naging talamak ang kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa ilang mga kumunidad dahil sa hindi pagkakadakip sa mga drug lords na pinagmumulan ng supply nito.
Batay sa resulta ng SWS survey nakakuha ng positive 70 o excellent net satisfaction rating ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga kung saan 82-porsyento ng mga Filipino ang nagsabing kontento sila sa paraan ng pagsugpo ng administrasyong Duterte sa ipinagbabawal na gamot habang 12-porsyento naman ang hindi nasisiyahan at anim na porsyento ang nag-aalinlangan.
Inihalintulad naman ng Kanyang Kabanalan Francisco na bagong uri ng pang-aalipin ang drug addiction na dapat tugunan ng bawat bansa sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon.
Inilarawan ni Pope Francis na ang mga lulong sa droga ay mga biktima na nawalan ng kalayaan dahil sa pang-aalipin ng ipinagbabawal na gamot.
Sa kasalukuyan mayroong ibat-ibang drug rehab program ang maraming Diocese at Archdiocese ng Simbahang Katolika sa Pilipinas tulad ng Sanlakbay ng Archdiocese of Manila.
Nagkaroon naman ng lamat ang war on drugs ng administrasyong Duterte matapos mabunyag sa Senado ang recycling ng mga nakukumpiskang droga na kinasasangkutan ng mga ninja cops maging ng pinuno ng pambansang pulisya.