353 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga kalalakihan at kabataan na maging bahagi sa pagpapayabong ng pananampalataya bilang isang Katekista ng Simbahan.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education Chairman Balanga, Bataan Bishop Roberto Mallari, sa kakaunting bilang ng mga Katekista sa bansa ay 90 porsyento sa mga ito ay pawang kababaihan at mga matatanda.
“Unang una yung mga Katekista natin according to survey nitong nakaraan, 90 percent dito ay matatanda and then female. Mahalaga nito ay mai-address at mai-challenge ang male Catholics to get involve in teaching the faith. Kailangan din natin ang mga kabataan na i-challenge to get involve to share their Faith to their fellow young people,” ayon kay Bishop Mallari.
Inihayag ng Obispo na nangangailangan ng karagdagang mga Katekista ang simbahan para paigtingin ang Katesismo at pagtuturo ng pananampalataya sa mga bata lalu na sa mga Pampublikong Paaralan.
“Kailangan lang siguro na tingnan pa to help them see these important aspect of our life na kung walang mga katekistang magtuturo hindi talaga makakalat ang buhay pananampalataya natin so we need them really para sa promotion of faith,” ayon kay Bishop Mallari sa panayam ng Radio Veritas.
Nakatakdang dumalo si Bishop Mallari kasama ang higit sa 60 katekista sa Vatican sa isasagawang International Congress on Catechesis na may temang ‘The Catechist: Witness to the Mystery’ na magsisimula sa ika-20 hanggang ika-23 ng Setyembre sa Vatican.
Ayon sa Obispo, layunin ng kanilang pagdalo ang pag-ibayuhin pa ang pagmimisyon sa pagtuturo ng katesismo sa mga kabataan at pagtalakay sa mga suliranin na kinakaharap ng mga katekista sa buong mundo.
Sa Pilipinas, sinabi ni Bishop Mallari na mahigit lamang sa 25 libo ang bilang ng mga katekista kung saan 90 porsyento sa mga ito ay pawang mga kababaihan at matatanda na nasa edad 50 pataas.