313 total views
Kinakailangang maipaalala sa bawat pamilyang Filipino na ang kapayapaan ay nagsisimula sa puso ng bawat isa.
Ito ang mensahe ng isasagawang misa sa Edsa Shrine na gaganapin mamayang gabi 5:30- bisperas ng paggunita ng ika-45 taon ng martial law declaration.
Ayon kay Rita Dayrit, pangulo ng Prolife Foundation ang misa ay para sa pag-alaala sa mga naging biktima ng karahasan noong batas militar, gayundin sa mga napaslang dahil sa karahasan sa bansa lalu na ang mga iniuugnay sa ilegal na droga.
Giit pa ni Dayrit, higit sa lahat ay responsibilidad ng bawat isa na bantayan ang kalayaan para sa susunod na henerasyon.
“We have the responsibility now to the future generations to give them a country, a world where they can live peacefully and without fear,” ayon kay Dayrit, pangulo ng Prolife.
Una na ring nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) para sa pagpapatunog ng kampana, pagsisindi ng kandila at pagdarasal para mga biktima ng karahasan sa loob ng 40 araw na magsisimula naman sa Sept. 23 hanggang Nov.1.
Sa ulat, sa 13 libong drug related deaths may 4,000 sa mga ito ang sa mga ginawang police operations.
Naninindigan ang simbahan na hindi dapat manaig ang karahasan at ang pagpaslang- dahil ito ay labag hindi lamang sa batas ng tao, kundi labag sa batas ng Diyos.