168 total views
Kalayaan at krimen.
Ito ang nakikitang senaryo ni Rev. Fr. Ranhillo Aquino, Dean ng San Beda College Graduate School of Law kaugnay ng mga nagaganap na protesta ngayon na may kinalaman sa sorpresang paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong nakaraang Biyernes.
Ayon sa pari, may kalayaan at karapatan ang mamamayan base sa itinatadhana ng Saligang Batas na magsagawa ng mga pagkilos subalit magiging krimen na ito kung ang protesta na ito ay mauuwi sa pag-aaklas laban sa pamahalaan na magbubunsod na ng kaguluhan.
“Sa mga nagbabalak na protesta, yan ay isang kalayaan at karapatan na ipinagkakaloob ng ating Saligang Batas at dapat bantayan natin ang karapatan, kalayaan na yan. Ikalawa, ibang bagay ang magpapahayag ng pagtutol sa pagpapalibing ibang bagay naman at nagiging krimen na kung uudyukan ang mga tao na mag-alsa laban sa pamahalaan.” Pahayag ni Fr. Aquino sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, iginiit ng pari na wala siyang nakikitang masamang dahilan ng paglilibing kay Marcos sa LNMB dahil aniya natupad naman ang mga requisite sa usapin.
“Sa aking palagay na naaayon sa batas wala akong nakikitang dahilan kung bakit hindi siya mailibing doon, unang una natupad ang mga requisite sa pagpapalibing doon, may mga asawa… parang sundalo na hindi naki-giyera dapat ang isang nakaraang Pangulo ng Republika at naging sundalo ay may karapatan ding ilibing doon,” ayon pa kay Fr. Aquino.
Dagdag ni Fr. Aquino, bagamat may katotohanan na marami ang nabiktima ng torture, na may nasugatan at namatay sa idineklarang Martial Law ni Marcos, hindi ito nangangahulugan na lahat ng masamang idinulot ng batas military siya ang may kagagawan.
“Ikalawa, kung ang pagbabasehan ang mga na-torture na bilanggo noong Martial Law, oo maraming namatay may nasugatan may nahirapan, pero ang tanong ko lang lahat ba ng masamang nangyari na yan si Marcos lang ang lahat ng may kagagawan? Nasaan ang ebidensiya na si Marcos ang lahat ng may kagagawan?” ayon pa sa pari.
Marami ang tumututol sa paghihimlay kay Marcos sa LNMB kabilang na ang mga bumuo ng EDSA People Power 1 na nagpatalsik sa rehimeng Marcos noong 1986 dahil na rin sa idinulot na pang-aabuso sa kapangyarihan kaugnay na rin ng pagnanakaw ng bilyong bilyong dolyar mula sa kaban ng bayan.