67,799 total views
Mga Kapanalig, Happy Independence Day!
Mahigit isandaang taon na mula nang nakalaya ang Pilipinas mula sa pagsakop ng mga Kastila. Halos walumpung taon na rin nang tayo ay tuluyang naging bansa na malaya mula sa pagkakagapos ng mga banyaga. Pero taun-taon, tuwing sasapit ang Araw ng Kalayaan, lagi nating itinatanong: masasabi ba nating tunay na malaya ang Pilipinas?
Nitong mga nakaraang buwan, patuloy ang pambu-bully at pag-angkin ng China sa West Philippine Sea (o WPS). Noong Mayo, inagaw at itinapon sa dagat ng Chinese Coast Guard ang mga food supplies na para sana sa mga sundalong nakaistasyon sa WPS. Ipinatigil din nila ang medical evacuation ng mga sundalong may sakit. Ilang araw makalipas nito, gumamit ang Chinese Coast Guard ng water cannon upang paalisin ang mga mangingisdang Pilipino sa WPS.
Ngayong buwan din magsisimula ang pagpapahintulot ng gobyernong China sa Chinese Coast Guard na mag-detain ng mga pinaghihinalaan nilang nag-trespass sa kanilang border. Kung mangyayari ito, kahit ang mga mangingisdang nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas ay maaaring hulihin at iditene ng China.
Isa sa mga paraang ginagawa ng Pilipinas para protektahan ang karapatan nito sa WPS ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng trilateral cooperation kasama ang US at Japan. Sa isang banda, nakatutulong at nakalalakas sa ating kapasidad ang pakakaroon ng mga kakampi o allies. Sa kabilang banda, hindi maaalis ang posibilidad na kontrolin ng ating mga allies ang sitwasyon upang pumabor sa kanilang mga interes.
Gayunpaman, sa talumpati ni Pangulong BBM kamakailan, sinabi niyang hindi papayag ang Pilipinas na tanggalin ng ibang bansa, lalo na ang mga may pansariling interes, ang kalayaan nating magdesisyon. Dagdag pa niya, “it’s never a choice between US and China” dahil parehas mahalaga ang mga bansang ito upang magkaroon ng stability sa ating rehiyon. Huwag sanang umabot sa puntong ang Pilipinas at tayong mga mamamayan ang maipit sa tunggalian ng China at ng ating mga allies, na hindi na lamang tungkol sa WPS kundi sa mga interes na nila. Sabi nga sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, ang pagpapabuti sa sarili ng isang bansa ay hindi dapat gawin sa paraang maaapi ang ibang bansa.
Ibalik natin ang tanong kanina: tunay nga bang malaya ang Pilipinas ngayon?
Kung titingnan, hindi naman na tayo sakop ng ibang bansa, gaya ng nangyari noon. Nakapagdedesisyon din tayo nang malaya ngayon para sa ikabubuti ng ating bansa. Ngunit ang dating pagsakop sa ating bansa ng mga banyaga ay maaaring maihalintulad sa nararanasan natin sa WPS. Hindi malayang nakapaghahanapbuhay ang ating mga kababayang mangingisda sa sarili nating karagatan dahil itinataboy sila ng mga banyaga.
Mga Kapanalig, gaya ng sabi sa 1 Corinto 6:12, kahit “malaya [tayong] gumawa ng kahit ano,” huwag sanang “magpapaalipin sa anumang bagay” ang ating bansa. Oo, malaya tayo, sa paraang kaya pa natin gumawa ng kahit ano, pero may mga kababayan tayong kinakawawa at parang mga dayuhan pa nga sa ating sariling karagatan. Pansinin sana ng gobyerno ngayon pa lang ang kawalan ng kalayaan ng ating mga kababayang nasa WPS.
Sumainyo ang katotohanan.