343 total views
June 13, 2020, 4:14PM
Umaasa si Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na hindi madungisan ng isinusulong na Anti-Terror Act of 2020 ang kalayaan na matagal na ipinaglaban at pino-protektahan ng mamamayang Filipino.
Ito ang binigyang diin ni Bishop Bagaforo na siya ring Chairman ng CBCP NASSA – Caritas Philippines sa ika-122 taong paggunita ng Araw ng Kasarinlan ng bansa tuwing ika-12 ng Hunyo.
Ayon sa Obispo, magpahanggang sa ngayon ay patuloy pa ring ipinaglalaban ng mamamayang Filipino ang kalayaan na maaring madungisan ng isinusulong na Anti-Terror Act of 2020 na lumalabag sa Saligang Batas.
“Iyon ang ipinaglalaban yung ating kalayaan at sana ay “hindi madungisan yung ating pag-celebrate ng ating kalayaan dito sa gagawing Anti-Terror Act” na maraming mga provisions doon na labag sa ating values na ipinaglalaban para sa ating kalayaan…”pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Bishop Bagaforo na maraming probisyon na labag sa karapatang pantao at kalayaan sa pagpapahayag ang nakapaloob sa Anti-Terror Act of 2020 na lagda na lamang ng pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para maging ganap na batas.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na mahalagang masuri ang mga nilalamang probisyon ng naturang panukalang batas.
“Sana hindi mangyari uli yung ganun at yun ang gusto nating iwasan at yun ang ating ipinaglalaban kontra sa maraming probisyon na maipasok sa Anti-Terror Act na maaring pirmahan ng ating Pangulo…”saad ni Bishop Bagaforo.
Naunang kinondena ng iba’t-ibang church institution at mga lider ng Simbahang Katolika ang kontrobersiyal na panukalang batas.
Read: https://www.veritas846.ph/understanding-the-anti-terrorism-act-of-2020/
https://www.veritas846.ph/paniniil-sa-kalayaan-ng-mga-filipino-hindi-na-dapat-maulit/
https://www.veritas846.ph/ipaglaban-ang-kalayaan-tutulan-ang-anti-terror-bill/