182 total views
Ang pagdurusa ni Krus sa kalbaryo ay sapat na sana kapanalig, upang maparamdam nating lahat na tayo ay tunay na minamahal ng ating Panginoon. Sapat na sa sana ito upang ating masaksihan ang ehemplo ng tunay na pagmamahal – na habang tayo ay patuloy na nagkakasala, inalay niya ang buhay niya upang tayo ay maligtas. Kahit pa hindi tayo humihingi ng patawad, kahit wala tayong pakialam, nagmahal siya at patuloy na nagmamahal.
Kaya lamang, ang ehemplo na ito ay hindi na ginagaya ng marami. Hanggang alaala na lamang. Minsan nga, nakakalimutan pa. Sayang kapanalig, ang ganitong uri kasi ng pagmamahal, mas kailangan natin sa ating panahon ngayon, panahon kung saan mas laganap ang kahirapan at gutom at mas bumibilis na ang pagkasira ng ating kapaligiran. Mas dumarami na ang nakakaranas ng kalbaryo sa ating makabagong panahon.
Kapanalig, hindi biro ang mga hamon sa ating modernong buhay. Ang climate change at ang mga epekto nito ay resulta ng walang tigil na paggamit at pag-abuso ng mga resources o yaman ng ating mundo. Tayo, bilang mamamayan ng isang maliit, disaster-prone, at mahirap na bansa, ang unang biktima ng mga epekto nito, kahit pa hindi tayo ang pangunahing gumagamit ng mga fossils na nagbubuga ng greenhouse gases. Sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si: the deterioration of the environment and of society affects the most vulnerable people on the planet: “Both everyday experience and scientific research show that the gravest effects of all attacks on the environment are suffered by the poorest.”
Ang problema ng kahirapan at gutom ay kalbaryo rin ng mas maraming tao ngayon. Ang pagbangon ng mga mamamayan mula sa pang-ekonomiyang epekto ng pandemya ay mas mabagal at mas mahirap dahil marami pang panibagong isyu ang umusbong, gaya Russian invasion sa Ukraine, ang malawakang pagtaas ng inflation, ang pagmamahal ng presyo ng bilihin, kasama na ang mga inputs para sa agrikultura, ay nagpabagal ng pagbangon mga bansa mula sa COVID 19. Dito na lamang sa ating bansa, umaabot pa ng mahigit 8% ang inflation rate.
Hindi lamang gutom ang epekto ng ganitong sitwasyon. Kapag nililimita lamang natin ang epekto ng kahirapan sa gutom, nalilimitahan din ang tugon natin dito. Kaya nga karaniwan, pag umaangal ang mga mamamayan sa taas ng bilihin, ayuda lamang ang tugon ng bansa.
Ang masidhing kahirapan ay lifelong ang epekto kapanalig. Pinupurol nito ang katawan at isip ng mga tao, tinatanggal nito ang kanilang access sa mga pangunahing pangangailangan, at tinatali nito ang mga mamamayan sa siklo ng kahirapan at pagdurusa.
Kapanalig, pag ganito lagi, parang ginawa na rin nating siklo ang Kalbaryo ni Hesus. Kung tunay tayong nanalig, hindi tayo magbubulag-bulagan sa kalbaryo ng ating kapwa. Paalala ng Lumen Fidei: ang liwanag ng ating pananalig ay dapat laging nagpapaalala ng mga pagdurusa ng ating kapwa sa mundo.
Sumainyo ang Katotohanan.