85,902 total views
Mga Kapanalig, maligayang Pasko ng Pagkabuhay ni Hesus! Nawa’y naging mabunga ang inyong paggunita sa mga Mahal na Araw.
Sa katatapos na panahon ng Kuwaresma, isinagawa ng mga urban poor groups ang “Kalbaryo ng mga Maralita.” Taunang tradisyon na ito kung saan sila ay nagmamartsa at nagtatanghal gamit ang mga simbolo ng Semana Santa upang bigyang-pansin ang kalagayan at panawagan ng mga maralitang tagalungsod. Isinasalarawan nito ang pasyon ni Hesus bilang pagsasalamin sa kalbaryong dinaranas ng maralitang tagalungsod at sa kanilang pakikipaglaban upang makaahon sa kahirapan.
Bago ang mga Mahal na Araw, itinanghal ng mahigit tatlong daang maralitang tagalungsod at mga miyembro ng civil society organizations (o CSO) ang tradisyong ito sa tapat ng National Housing Authority (o NHA) at Department of Human Settlements and Urban Development (o DHSUD). Nais nilang ipaabot sa mga ahensya ang anila’y kabiguan ng gobyernong pakinggan ang kanilang panawagan para sa makatao at abot-kayang pabahay. Ipinahayag nila ang pagtutol sa pagpapalawig sa tinatawag na corporate life ng NHA. Bigo raw ang ahensyang tuparin ang mandato nitong maghatid ng maayos, disente, at ligtas na pabahay para sa mahihirap. Halimbawa, karamihan sa mga relocation sites nito ay nakararanas ng matinding pagbaha, kulang sa mga batayang serbisyo, at malayo sa kabuhayan, paaralan, at ospital.
Ipinarating din ng mga grupo sa DHSUD ang kanilang pagtutol sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (o 4PH) Program. Anila, hindi abot-kaya para sa mahihirap ang mga high-rise buildings o mala-condominium na pabahay. Sa halip na mga ganitong pabahay ang ialok sa maralitang walang sariling tahanan, ipinanawagan nila ang pagpapatupad ng community-led housing solutions katulad ng people’s plan, site upgrading, at Community Mortgage Program (o CMP). Ang mga ito, giit ng grupo, ay naaayon sa pinansyal na kapasidad at paraan ng pamumuhay ng mahihirap. Kasama rin sa panawagan nila ang pagtigil sa cancellation of awards sa resettlement areas; pagkumpuni sa mga bahay na mahinang klase; pamamahagi ng mga pabahay na itinayo na; at pagsuspinde sa kahit anong demolisyon hangga’t magkaroon ng kasunduan ang mga residente at ang gobyerno hinggil sa paraan ng pagpapaunlad ng komunidad.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, pinahahalagahan natin ang pagmamalasakit at pagkiling sa mahihirap. Sa kanyang mensahe noong Kuwaresma, binigyang-diin ni Bishop Jose Colin Bagaforo, presidente ng Caritas Philippines, ang kahalagahan ng pag-aalay ng sarili para sa kapwa. Hindi lamang ito simpleng act of charity o pagkakawanggawa. Ito ay pagkilala na lahat tayo ay magkakaugnay. Aniya, ang bawat act of compassion o pagmamalasakit ay nakatutulong sa pagkamit ng isang makatarungan at mapagmahal na lipunan.
Matagal nang naglalakbay ang mga maralitang tagalungsod para sa pinapangarap nilang makatao at abot-kayang pabahay. Kahit natapos na ang mga Mahal na Araw, sana ay ipagpatuloy pa rin natin ang pagsasagawa ng mga acts of compassion. Maliban sa pagdarasal para sa ating kapwa, samahan natin ang mga maralita sa pagpasan ng kanilang kalbaryo. Maaaring magsimula tayo sa pakikinig sa kanilang mga panawagan. Pataasin natin ang sariling kamalayan at palalimin pa natin ang pag-unawa sa kanilang kalagayan. Ibahagi natin ang kaalamang ito sa iba. Maaari ding magbigay ng donasyon at suporta sa mga nangangailangan at sa mga adbokasiyang nagsusulong ng katarungan at karapatan ng mga isinasantabing sektor. Makiisa tayo sa mga panawagan at pagkilos para sa pagbabago ng sistemang nagdudulot ng ‘di pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Mga Kapanalig, hindi nagtatapos sa Pasko ng Pagkabuhay ang pagpapakita ng malasakit sa iba. Isinasapuso at isinasabuhay dapat natin ito araw-araw. Sabayan natin sa paglalakbay ang ating kapwa at isabuhay ang wika sa Filipos 2:1 na magkaroon ng “kagandahang-loob at malasakit para sa isa’t isa.”
Sumainyo ang katotohanan.