161 total views
Hinamon ni Prelatura ng Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad ang pamahalaan na muling pag-aralan at suriin ang kalidad ng mga military school sa bansa.
Giit ng Obispo, napapanahon na upang suriin ang kaledad at tunay na kakahayan ng mga nagtapos sa iba’t-ibang military schools sa bansa.
Nanindigan si Bishop Jumoad na kailangang malaman kung ang mga military school ay epektibo sa pagtuturo at pagsasanay sa mga sundalo na proteksyunan at depensahan ang bawat mamamayan mula sa anumang banta ng kaguluhan at karahasan sa bansa.
Ipinagtataka ni Bishop Jumoad na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tuluyang nabubuwag ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang grupo ng mga bandido partikular na sa rehiyon ng Mindanao na wala naman aniyang pormal na pag-aaral sa pakikipaglaban.
“Maybe the government must re-visit and re-evaluate our military schools, if our military schools are really relevant because they could not conquer the Abu Sayyaf who are not, who don’t have any formal schooling so yun ang problema, yun ang problema talaga ano epektibo pa ba ang military natin? ang mga military schools natin? How come na dito sa Basilan palagi silang palaging dehado ang military, ano ba talaga? I am sad and I am angry at the same time because bakit nagkaganyan?.” pahayag ni Bishop Jumoad sa panayam sa Radio Veritas.
Una nang kinundina ng Obispo ang naganap na 10-oras na engkwentro sa Tipo-Tipo, Basilan na ikinamatay ng 18-sundalo at 22-miyembro ng Abu Sayyaf.
Kaugnay nito, batay sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), mula ng sumiklab ang kaguluhan sa rehiyon ng Mindanao, umaabot na sa mahigit 60,000 ang nasawi at umaabot na sa tinatayang P6-Bilyong piso ang pondong nailaan para sa pagtugis sa mga bandido at rebeldeng grupo sa rehiyon.
Bukod dito, una nang naitala ng Internal Displacement Monitoring Center ang may 1.9 na milyong tao na naapektuhan ng may 40 taon ng kaguluhan at hidwaan sa Mindanao. Samantala, patuloy naman hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mga mambabatas na malawakang pag-aralan ang lahat ng mga probinsyon sa Bangsamoro Basic Law lalo’t malaking bahagi ng populasyon sa rehiyon ng Mindanao ang inaasahang maapektuhan ng naturang batas