47,889 total views
Mga Kapanalig, itinalaga na ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara bilang bagong kalihim o secretary ng Department of Education kapalit ni Vice President Sara Duterte. Sa isang editoryal, binanggit natin ang kahilingan ng ilang grupo ng mga guro na sana, ang bagong kalihim ng DepEd ay isang educator at hindi pulitiko.
Hindi ito natupad.
Sa kabila nito, handa ang mga grupong katulad ng Alliance of Concerned Teachers (o ACT) na makipagdiyalogo sa bagong DepEd secretary. Nangyari ang kanilang pag-uusap noong isang linggo. Bitbit nila ang mahabang listahan ng mga pagbabagong nais nilang mangyari sa sektor ng edukasyon. Ilan sa mga ito ay ang pagtataas ng entry-level pay o suweldo ng mga bagong guro at ang pagrepaso sa K-to-12 program.
Sa usaping pasahod, iminumungkahi ng ACT na itaas ito sa ₱50,000 mula sa kasalukuyang ₱27,000 kada buwan para sa mga bagong pasok na public school teachers. Ang ibang kawani naman sa mga paaralan, partikular ang mga tinatawag na Salary Grade I employees, ay dapat naman daw tumanggap ng ₱30,000 kada buwan. Para hindi naman mawalan ng mga guro sa mga pribadong paaralan—na ang panggastos ay mula sa matrikulang ibinabayad sa mga ito—hinimok ng ACT si incoming Secretary Angara na magpatupad ng minimum salary standards para makasabay ang mga pribadong paaralan sa pasahod sa mga pampublikong eskuwelahan.
Sa pagrepaso sa K-to-12 curriculum, isang “culturally appropriate national assessment test” ang suhestyon ng ACT. Sa halip na pagbatayan ang mga global assessment tests gaya ng Programme for International Student Assessment (o PISA), mas akma raw kung may sarili tayong pamamaraan ng pagsukat ng tinatawag na “learning crisis.” Sinubukan nang i-adjust ng DepEd ang curriculum mula kinder hanggang grade 10 para bigyang-pansin ang reading comprehension, math, at science—mga subjects kung saan kulelat ang ating mga mag-aaral.
Kung may idadagdag tayo sa mga pagbabago sa sektor ng edukasyon, ito naman ay ang pagpapahusay sa ating mga guro. Walang dudang sila ang may pinakamalaking papel sa paghubog sa talino at dunong ng ating kabataan, kaya mahalagang mahusay sila sa subject na itinuturo nila. Pero sa resulta ng Southeast Asia – Primary Learning Metrics noong 2019, wala pang 10% ng mga guro natin ang sumasailalim sa pagsasanay para sa makapagturo ng tinatawag na “foundational skills” bago sila magsimulang magturo. Sa mga may dalawang taon nang experience sa pagtuturo, 7% lang ang may training sa mathematics, 8% sa reading, at 13% sa writing. Kahit daw sa mga matatagal nang nagtuturo, kakaunti sa kanila ang nakatanggap ng pre-service training sa mga subject na ito.
Hindi rin nakatutulong ang pagtatambak sa kanila ng iba pang trabahong wala namang kinalaman sa pagtuturo. Kung wala ang mga tinatawag ng ACT na “burdensome administrative duties”, mas magkaroon ng panahon ang ating mga guro na paunlarin at palaguin ang kanilang kaalaman at kakayahan. Mainam din kung paglalaanan ng pondo ng gobyerno ang tuluy-tuloy na pagsasanay ng mga itinuturing nating ikalawang magulang ng mga bata.
Sa Catholic social teaching na Gravissimum Eductiationis, ipinaaalala ang malaking tungkulin ng estado sa pagkamit ng mga mamamayan ng mahusay na edukasyon. Kasama sa mga dapat gawin nito ang pagsusuri sa kakayahan ng mga guro at sa kalidad ng kanilang kasanayan. Ito ang trabaho ng DepEd. Ito ang trabaho ni Secretary Angara.
Mga Kapanalig, mababasa natin sa Mga Kawikaan 9:9, “Matalino’y turuan mo’t lalo siyang tatalino, ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito.” Hindi matatawaran ang dedikasyon ng ating mga guro, ngunit tapatan din dapat ito ng pagpapalago pa sa kanilang talino at dunong dahil sa huli, ang mga kabataan ang aani ng bunga ng mahusay nilang pagtuturo.
Sumainyo ang katotohanan.