651 total views
Hinihiling ni Gumaca Bishop Victor Ocampo ang kaligtasan ng lahat sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Dante.
Ayon sa Obispo, higit na kailangan ngayon ng mga tao ang awa’t habag ng Panginoon upang makamtan ang hinihiling na kaligtasan.
Inihalintulad ni Bishop Ocampo sa unang pagbasa ngayong araw ang sitwasyon ng mga taong higit na apektado ng kalamidad at pandemya.
“Tulad ng unang pagbasa ngayong araw, sina Tobit at Sara ay nasa kalagayan ng desperado. Wala na silang mapupuntahan kundi ang Panginoong Diyos, at ‘yung kanilang unang tinumbok sa katangian ng ating Panginoong Diyos ay ang Kanyang habag,” mensahe ni Bishop Ocampo sa Radio Veritas.
Dalangin naman ng Obispo na nawa’y makamtan ng mga higit na nasalanta ng bagyo ang patuloy na kaligtasan upang hindi na makadagdag pa sa lubos na paghihirap dulot ng pandemya.
Gayundin, nawa ay magkakaroon ng matatag na kalooban ang bawat isa upang muling makayanang harapin ang mga pagsubok ng buhay, maging ang pagiging bukas-palad para sa mga higit na nangangailangan ng tulong at kalinga.
“Buong puso kaming tumatawag sa inyo para sa aming kaligtasan, lalung lalo na sa mga nabalitang nabiktima ng baha na sa kanilang paghihirap sa pandemya ay nadagdagan pa ang kanilang kahirapan… Sa pagkabatid namin sa inyong habag, kami po ay maging malakas at makatindig kaming muli nang may pag-asa, may sigla na haharap muli sa mga pagsubok na ito. at nagpapasyang maging bukas palad kami sa pangangailang ng iba,” panalangin ni Bishop Ocampo.
Samantala, ibinahagi naman ng Obispo na hindi gaano naramdaman ang epekto ng bagyong Dante sa kinasasakupan ng Diyosesis, ngunit mayroon namang nakahandang plano bilang pag-iingat sa mga posibleng mangyari sa gitna ng kalamidad.
Batay sa huling ulat ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa baybayin ng Calapan City, Oriental Mindoro.
Nanatili ang lakas ng hangin nito na aabot sa 65 kilometers per hour mula sa sentro ng bagyo at may pagbugsong aabot sa 90 km/h sa direksyong kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h.