11,777 total views
Ipinaalala ni Caritas Novaliches Deputy Executive Director Father Joel Saballa sa mamamayan na tulungan ang mga apektado ng bagyong Carina.
Ipinagdarasal ng Pari ang kaligtasan ng mga local government unit, disaster response team at volunteers na tumulong sa kapwa na stranded at lubhang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa National Capital Region, mga karatig lalawigan.
“Pakaingatan mo rin po ang mga rescuer na patuloy tumutulong sa mga kapanalig namin na ngayon ay nasa kalagitaan ng pagbaha basbasan mo po silang lahat. Gayon rin po ang mga lider ng bansa at ng simbahan. Hinihiling namin sa ngalan ni Kristo, Amen.” panalangin pinadala ni Fr.Saballa.
Tiwala ang Pari na hindi magiging lubha ang epekto at agad ding makabangon ang mga nasalanta ng bagyo.
Ipinalangin din ni Father Saballa sa Panginoon na ipag-adya ng Panginoon ang mamamayan sa kapahamakan “O Panginoon kami po ay dumudulog saiyo, pahupain na po ninyo ang ulan at ang baha na dinaranas ng ating mga kapanalig basbasan mo silang lahat ng katatagan ng loob sa gitna po ng pagsubok na ito. Ingatan mo kaming lahat na walang mapahamak sa amin Panginoon. Humihingi kami ng pagpapala at basbas mo sa aming lahat at higit sa lahat ang mga nagdurusa ngayon sa gitna ng pagbaha,” ayon pa sa panalangin ni Fr.Saballa.
Una ng tiniyak ng Office of the Civil Defense ang nationwide na pag-responde ng mga lokal na sangay ng National Disaster Risk Reduction Management Council sa mga apektado ng masamang panahon.
Sinimulan din ng Caritas Manila ang mga paghahanda o repacking ng mga relief goods upang kagyat na matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong mamamayan.