359 total views
Ipinapanalangin ni Iba, Zambales Bishop Bartolome Santos ang kaligtasan ng lahat kaugnay sa phreatic eruption ng Bulkang Pinatubo.
Ayon kay Bishop Santos, bagamat nasa Zambales ang lokasyon ng Mount Pinatubo, mas ramdam ang usok mula sa mahinang pagsabog nito sa bahagi ng Pampanga.
“Siguro on our side, yung side ng Zambales kasi napakalaki naman ng Pinatubo para malaman ang effect nito…hindi nila binanggit ang Zambales kasi sobrang laki nun. Kumbaga ‘yung crater, magkabilang-dulo e malayo naman ‘yung side ng Zambales,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng obispo na mayroong mission station sa Buhawen, San Marcelino, Zambales na nakatalaga kay Santa Barbara na ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing Disyembre 4.
Dalangin ni Bishop Santos na nawa sa pamamatnubay ni Santa Barbara ay maligtas sa anumang pinsalang maidudulot ng bulkan ang mga lalawigang kinasasakupan.
“We pray to her to intercede to protect us from the destruction of the volcano,” dalangin ng obispo.
Batay sa ulat ng Pinatubo Volcano Network, naitala noong Martes ang mahinang pagsabog ng bulkan bandang alas-12:09 hanggang 12:13 ng hapon.
Samantala, pinag-iingat naman ang publiko na iwasan muna ang pagpunta sa mga lugar na nasasakupan ng bulkang Pinatubo bilang pag-iingat sa mga susunod na aktibidad ng bulkan.
Magugunita noong Hunyo 15, 1991, 30 taon na ang nakalipas nang sumabog ang Bulkang Pinatubo na tinaguriang pinakamalakas na pagsabog ng bulkan sa buong mundo sa nakalipas na 100 taon.
Nag-iwan ito ng 800-kataong nasawi at pinsala sa buong Central Luzon na umabot ng ilang taon bago muling maisaayos.