10,136 total views
Ipinapanalangin ni Virac Bishop Luisito Occiano ang kaligtasan ng mamamayan ng Catanduanes at karatig lalawigan kasunod ng 6.1 magnitude na lindol.
Apela ng obispo sa mamamayan na magtulungan ipanalangin kasabay ng pagiging alerto sa epekto ng mga pagyanig.
“Nakausap ko yung mga pari na assign dun sa lugar ng epicenter awa ng Diyos wala naman pinsala we are praying na wala nang sumunod na aftershock or iba pang pagyanig. Maghanda lang po tayo at pinakaimportante magdasal po tayo,” pahayag ni Bishop Occiano sa Radio Veritas.
Sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Bagamanoc Catanduanes ang epicenter tectonic earthquake sa lalim na 38 kilometro na yumanig sa malaking bahagi ng Bicol Region alas 5:19 ng umaga nitong October 2.
Ipinagkatiwala ni Bishop Occiano sa makainang kalinga ng patrona ng Bicolandia ang bawat mamamayan na maligtas sa anumang kapahamakang maaring maidudulot ng sakuna.
“Nawa kami ay palagi mong iligtas sa anumang mga kinatatakutan naming sakuna kasama ng Iyong Ina at ang amin ding ina na si Santa Maria, Birhen ng Peñafrancia, kami nawa ay iyong palaging ampunin, ilalayo sa anumang pagkatakot at pangamba sa ngalan ng iyong Anak na si Hesukristo na aming Panginoon,” dalangin ni Bishop Occiano.
Naitala ang intensity 4 ng pagyanig sa Virac, Catanduanes; at Tabaco City, Albay; intensity 3 sa Mercedes, Camarines Norte; Caramoan, Sagñay, Camarines Sur; and Sorsogon City, Sorsogon; Intensity II sa General Nakar, Quezon; Legazpi City, Albay; Daet, Camarines Norte; Iriga City, Ragay, Sipocot, Camarines Sur; at San Roque, Northern Samar habang intensity 1 naman sa Irosin at Bulusan, Sorsogon, Jose Panganiban, Camarines Norte; Claveria, Masbate; at Gandara, Samar.