697 total views
Ipag-adya ang sambayanang Pilipino sa panganib ng malakas na paglindol at tsunami.
Ito ang dalangin ni Maasin, Southern Leyte Bishop Precioso Cantillas kaugnay sa pangambang dulot ng “The Bigger One” o ang Leyte Fault Line sa Eastern Visayas.
Kasunod ito ng pahayag ng Eastern Visayas Office of Civil Defense na dapat paghandaan ang posibleng mangyari sakaling gumalaw ang nasabing fault line.
Nilinaw naman ng ahensya na hindi nito intensyong magdulot ng pangamba sa publiko bagkus ay magbigay ng impormasyon at kahalagahan ng kahandaan sa lindol at epekto nito.
(BOLD) Panalangin laban sa banta ng “The Bigger One” ni Maasin Bishop Precioso Cantillas:
“Panginoon, Ikaw ang makapangyarihan sa lahat. Dumudulog kami sa Iyo sa panahon ng aming pagkabahala at pagkatakot sa balita na posibleng malakihan ang pinsala ng pinangangambahang malaking pagguho ng lupa dahil sa malaking fault line sa Eastern Visayas.
Kaawaan Mo kami, O Diyos, at nawa’y ipag-adya Mo kami sa kinakatakutang lindol at tsunami. Nawa’y mapasaamin ang Iyong walang hanggang awa at pagkalinga, sa tulong ng mga Santo at ng Mahal naming Ina, ang Birheng Maria. Amen.”
Nauna nang tiniyak ni Maasin Diocesan Social Action Director Fr. Harlem Gozo na paiigtingin ng diyosesis ang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at mga parokya bilang paghahanda sa epekto ng “The Bigger One”.
Batay sa pagsusuri ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na kapag umabot sa magnitude 7 ang lakas ng paglindol, ang nasabing fault line ay maaaring magdulot ng tsunami sa mga lugar na malapit sa Pacific Ocean tulad ng Eastern Samar, Northern Samar, Leyte, at Southern Leyte.
Ang Leyte Fault Line ay itinuturing na pinakamalaking fault line sa bansa kumpara sa “The Big One” o Marikina West Valley Fault.
Ito rin ay bahagi ng 1,200 kilometrong habang Philippine fault zone, na isang malaking tectonic feature na binabagtas ang buong Philippine archipelago mula hilagang-kanlurang Luzon patungong timog-silangang Mindanao.