169 total views
Ipinapanalangin ng opisyal ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang kagalingan at kaligtasan ng bawat isa laban sa tumataas na bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19 sa bansa.
Dalangin ni CEAP National Capital Region Regional Trustee, Father Nolan Que na nawa sa kabila ng mga pangambang dulot ng pandemya ay mamutawi sa puso ng bawat isa ang kapayapaan upang manatiling kalmado habang hinaharap ang mga pagsubok ng buhay.
“Calm the storm that is in us. Take away all our fears which makes us cruel to ourselves and to others. Grant peace and calm to our troubled hearts,” panalangin ni Fr. Que.
Hinihiling din ng opisyal ang agarang kagalingan ng mga mag-aaral, mga magulang, maging ang mga kawani ng mga paaralan na nahawaan ng COVID-19 at nawa’y makamtan din ang kaligtasan sa anumang kapahamakang dulot ng pandemya.
“Grant healing to our students, parents, and personnel who are not feeling well and might have been infected by COVID-19. Protect them from further danger and harm. Grant them strength in mind and body,” dalangin ng pari.
Muling ipinagpaliban ng Department of Health ang pagpapalawig ng face-to-face classes sa NCR dahil sa pagpapatupad ng Alert level 3 status bunsod ng panganib na dulot ng Omicron variant.
Nauna nang iginiit ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth (CBCP-ECY) Chairman, Daet Bishop Rex Andrew Alarcon na mahalagang pangalagaan ang kalusugan ng mga kabataang mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan mula sa banta ng pandemya.