1,903 total views
Ipinapanalangin ni Abra Bishop Leopoldo Jaucian ang kaligtasan ng lahat mula sa hagupit ng Bagyong Egay na nakakaapekto sa hilagang bahagi ng Luzon.
Hiling ni Bishop Jaucian na sa kabila ng malalakas na pag-uulan at hanging dala ng bagyo ay walang maging malaking pinsala na makakaapekto sa buhay ng mga tao.
“Amang makapangyarihan, hinihiling namin ang inyong proteksyon para sa safety ng bawat isa at sa pamamagitan ng tulong ng mahal na Ina at ng mga Santo na sa pamamagitan ng kanilang mga tulong ay pagkalooban tayo ng protection lalong lalo na sa hagupit ng Bagyong Egay. Hinihiling namin ito sa ngalan ng ating Panginoong Hesukristo,” panalangin ni Bishop Jaucian mula sa panayam ng Radio Veritas.
Sa kasalukuyan, ayon sa obispo ay nananatiling walang kuryente at signal sa buong lalawigan dahil na rin sa malalakas na hanging dala ng Bagyong Egay.
Paalala naman ni Bishop Jaucian sa mamamayan ng Northern Luzon na manatili lamang sa loob ng mga tahanan upang higit na matiyak ang kaligtasan mula sa kalamidad.
“Mga kababayan lalong lalo na dito sa Northern Luzon na binabayo ngayon ng Bagyong Egay, manatili po tayo sa ating mga bahay sapagkat ang lakas-lakas po ng ulan at hangin, at ang karamihan pati dito sa Abra’y wala pang kuryente. So manatili po tayo sa loob ng ating mga bahay. Keep safe mga kapatid at manalangin po tayo,” ayon kay Bishop Jaucian.
Iniulat naman ng Northern Luzon Social Action Centers ang kalagayan ng mga diyosesis kasabay ng pananalasa ng Bagyong Egay.
Ayon kay Tuguegarao SAC Director Fr. Andy Semana, nananatili ang lakas ng hangin at ulan sa Cagayan, at wala pang natatanggap na ulat ng mga nasaktan mula sa kalamidad.
Malakas din ang hangin at ulan sa Vigan ayon kay Nueva Segovia SAC Director Fr. Danilo Martinez, habang gayundin ang kalagayan sa Ifugao at Mountain Province ayon naman sa ulat ni Fr. Apol Dulawan ng Apostolic Vicariate of Bontoc-Lagawe.
Dagdag ni Fr. Dulawan, may naiulat na pinsala sa ilang simbahan sa bikaryato kung saan mayroong mga nabasag na bintana dahil sa lakas ng hangin.
Batay sa huling ulat ng PAGASA, nag-landfall na ang Bagyong Egay sa Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan, at napanatili ang lakas ng hanging aabot sa 175 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 240 km/h, habang kumikilos patungong Timog-kanluran sa bilis na 15 km/h.