81,292 total views
Hinimok ng mga Obispo ng Simbahang Katolika ang mamamayan na sama-samang hilingin sa panginoon ang kaligtasan sa banta ng supertyphoon.
Ipinapanalangin ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto ang kaligtasan ng lahat sa pananalasa ng Super Typhoon Karding sa bansa.
Ayon kay Bishop Presto, maliban sa pananalangin, nawa’y manatili rin sa bawat isa ang pagkakawanggawa upang matulungan ang mga higit na maaapektuhan ng sakuna.
Paliwanag ng Obispo na sa pamamagitan ng pagbabayanihan ay maiibsan ang pinagdadaanang hirap ng bawat isa dulot ng pinsala ng bagyo.
“Panatilihin natin ang ating pananalangin sa Diyos na ilayo tayo sa matinding sakuna na idudulot ng bagyo. Malaking bagay ang magagawa ng pagbabayanihan sakali mang maghatid ng malaking pinsala ang bagyo. Lakasan lang din po natin ang ating loob at patuloy na manampalataya sa Diyos.” panalangin ni Bishop Presto.
Pinapaalahanan naman ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang mga maaapektuhan ng bagyo na sumunod lamang sa mga panuntunan ng mga kinauukulan para sa paglikas upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Kasabay naman ng paggunita sa National Migrants’ at National Seafarers’ Sunday ngayong araw, dinadalangin din ni Bishop Santos na walang gaanong idulot na pinsala sa mga ari-arian at buhay ang Bagyong Karding.
“Here, in the Diocese of Balanga aside praying and offering Holy Masses for all of our migrants and seafarers, we pray that this typhoon Karding will not lead us to destruction and death. Let us pray invoking the words of our Lord Jesus,” be still, it is the Lord.”,” ayon kay Bishop Santos.
Iginiit naman ni Jun Cruz, pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na makakatulong ang sama-samang panalalangin ng bawat mananampalataya upang mapanatiling ligtas ang bawat isa mula sa pinsalang maaring idulot ng bagyo.
Nawa ayon kay Bro.Cruz ay biyayaan ng Panginoon ang bawat isa ng karagdagang proteksyon mula sa bagyo.
“Dear Brothers and Sisters, let us come together in prayer asking the Lord for protection for His People. Even now let us ask Him to cast away this typhoon and calm it down by His power, Amen!” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bro.Cruz sa Radio Veritas.
Batay sa huling ulat ng PAGASA, ganap nang naging Super Typhoon ang Bagyong Karding habang papalapit sa kalupaan.
Huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 76-kilometro silangan ng Polilio Islands na kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kilometers per hour, taglay ang lakas ng hanging aabot ng 195 km/h at pagbugso na 240 km/h.