212 total views
Ang kahirapang dinadanas ng mga maralitang walang maayos na tahanan ay isa sa mga pinakamalungkot na pangitain tuwing nagkakaroon ng mga sakuna sa ating bansa. Lagi na lamang kapanalig, sa tuwing may malakas na pag-ulan o may mataas na pagbaha, nakikita natin kung paano anurin ang kanilang mga bahay, mga gamit, pati ang buong mag-anak ng rumaragasang tubig. Ito lamang nakaraang mga araw, sa gitna ng mga pag-ulan, natabunan ng gumuhong lupa ang ilang mga pamilya sa Leyte. Sa ngayon, tinatayang 52 na ang namatay habang 55 pa ang hindi nakikita.
Sa ating bansa, maraming mga lugar ang nadeklara na danger zone, pero marami pa rin sa ating mga kababayan ang pumipiling manatili sa ganitong lugar. Limitado din kasi ang kanilang choices o pagpipilian, at kadalasan, kahit ano naman ang piliin nila, halos life and death na rin ang pamimilian – no choice na rin diba? Kapag umalis sila sa bahay nilang nakatirik sa danger zone, gutom araw-araw ang kanilang kakaharapin. Kapag nanatili naman sila sa danger zone, nasa panganib ang buhay nila kada may ulan o pagbaha o pagguho ng lupa.
Ang ganitong isyu ay nagbibigay diin sa importansya ng maayos, disente, at makabuluhang pabahay para sa maralita. Marami ang nagsasabi sa atin na marami namang mga pabahay na tinayo na para sa mahirap, sila lamang ang ayaw lumipat doon. Kapanalig, ang mga pabahay na nakatengga sa ngayon ay kailangan na rin nating i-revisit o suriin uli. Ang mga nirere-locate natin kapanalig, ay mga tao, hindi lamang bagay. May mga trabaho sila sa kanilang pinanggalingan, doon din sila nag-aaral, may mga may mga kaanak silang maiiwan, andun ang kanilang mga social safety nets, at may mga pangarap din silang binuo sa kanilang buhay doon. Kailangan tingnan din natin ang pabahay ayon sa kanilang perspektibo, hindi lamang sa atin, na nakikita lamang sila bilang eyesore sa gilid-gilid ng mga subdibisyon.
Kung nais talaga natin ang kaligtasan ng mga maralita, hindi lamang kaligtasan mula sa sakuna ang ating dapat tutukan. Kailangan natin makita ang pangkalahatang kaligtasan ng maralita. Ang buhay nila ay laging exposed sa panganib dahil ang kanilang pagpipilian ay limitado. Ang maayos na pabahay sana ay mainam na starting point upang mailayo sila sa mga panganib na bunga ng kahirapan. Kapag ang pabahay ay nasa ligtas na lugar, malapit sa trabaho at paaralan, abot-kaya sa bulsa, tunay nating matitiyak ang kanilang kaligtasan.
Dapat prayoridad sa plano ng mga munisipalidad at syudad ang maayos na pabahay ng kanilang nasasakupan. Ang maayos na pabahay ay malaking bentahe hindi lamang sa maralita, kundi sa kapaligiran – hindi lamang tao ang mapapangalagaan dito kundi ang kalikasan din. Advantage din ito sa lokal na gobyerno – magiging mas sistematiko at maayos ang public service delivery. Kung ipa-prayoridad natin ang kaligtasan ng maralita makikita natin na makikinabang ang buong komunidad at kalaunan, ang munisipalidad, syudad, at bayan. Ayon nga sa Populorum Progressio, “The advancement of the poor constitutes a great opportunity for the moral, cultural and even economic growth of all humanity.”
Sumainyo ang Katotohanan.