18,304 total views
Pinatutukan ng BAN Toxics ang kaligtasan ng mga bata mula sa mga nakalalasong kemikal kasabay ng pagdiriwang sa National Poison Prevention Week 2024.
Ayon kay BAN Toxics advocacy and campaign officer Thony Dizon, mahalagang magsimula sa mga tahanan at paaralan ang pangangalaga sa mga bata upang maiwasan ang pagkakalantad sa mga mapanganib na kemikal.
Ang mensahe ni Dizon ay mula sa ginanap na lecture forum na may paksang “Community and Collaboration: Uniting to Prevent Poisoning,” sa Brgy. Sto. Niño, Galas, Quezon City nitong Hunyo 27.
“Aside from common household items that are explicitly hazardous, there are also everyday children’s items such as toys, school supplies, and care products that may seem harmless but actually contain toxic chemicals,” ayon kay Dizon. Tinukoy ng opisyal ang mga produktong pambata sa mga pamilihan na napag-alamang naglalaman ng mga mapanganib at nakalalasong kemikal tulad ng lead, mercury, cadmium, at iba pa.
Paalala ni Dizon sa mga magulang na bago bumili ng mga produkto’y mahalagang suriing mabuti ang nilalaman nito at tiyaking pumasa sa pagsusuri ng Food and Drug Administration (FDA).
“Do not buy products that have no label or information. Also, check if the product has been notified by the Food and Drug Administration…As much as possible, buy from reputable stores that are duly registered,” dagdag ni Dizon.
Inihayag din ng BAN Toxics na kasabay ng pagsisikap ng pamahalaan na mapigilan ang paglikha at pag-aangkat ng mga produktong may sangkap na mapanganib na kemikal habang tungkulin ng bawat tahanan at pamayanan ang maging mapagmatyag sa pagbili at pagtiyak sa kaligtasan ng mga bata.
Una nang hinikayat ng grupo ang pamahalaan na itaguyod ang “Safe and Non-Hazardous Children’s Products Act” na panukalang pinagtibay ng 18th Congress noong 2017 ngunit hindi naisabatas sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa bisa ng Presidential Proclamation No. 1777 noong 2009, idineklara ang ikaapat na linggo ng Hunyo bilang National Poison Prevention Week na layong paigtingin ang kamalayan ng publiko sa iba’t ibang paraan upang maiwasan at mapigilan ang pagkalason sa mga tahanan, paaralan, trabaho at iba pang lugar.