3,546 total views
Ipinapanalangin ni Bayombong, Nueva Vizcaya Bishop Jose Elmer Mangalinao ang kaligtasan ng sambayanang Pilipino laban sa pinangangambahang epekto ng pananalasa ng Bagyong Kristine sa bansa.
Hinihiling ni Bishop Mangalinao na ang hagupit ng bagyo nawa’y hindi magdulot ng labis na pinsala at paghihirap sa buhay.
Bagkus, dalangin ng obispo na pagkalooban ng Panginoon ang bawat isa ng katatagan ng loob sa panahon ng pagsubok at panganib upang mapawi ang pangamba at muling makita ang liwanag ng pag-asa.
“O Panginoon naming Diyos,
papuri at pasasalamat sa Inyong kabutihan sa amin
lalo na sa patuloy Ninyong paggabay sa amin.
Sa aming paglalakbay Ikaw ang ilaw ng aming daraanan.
Sa aming pakikibaka sa buhay, Ikaw ang aming lakas.
Sa aming kahinaan, Ikaw ang muog ng buhay.
Muli na naman naming mararanasan
ang hagupit ng bàgyo na darating sa aming bansa;
Mangyari po na hindi ito makapinsala
sa bùhay at kabuháyan na Iyong kaloob sa amin.
Patuloy Mo po na kami ay yakapin
upang aming matamo ang lakas ng loob at tibay ng dibdib
sa ganitong pagkakataon sa buhay.
Panginoon, sa Iyo kami umaasa;
sa Iyo kami nananalig;
sa Iyo kami kumakapit.
Patnubayan Mo po kami. Amen.”
Ayon sa huling ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), napanatili ng Bagyong Kristine ang lakas nito habang kumikilos patungong Kanluran Hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa Silangan ng Baler, Aurora taglay ang lakas ng hangin sa 85 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 km/h.
Nakataas naman ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa buong Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley maliban sa Batanes, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Pampanga, Bulacan, hilaga at silangang bahagi ng Quezon kabilang ang Polillo Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay at hilagang-silangang bahagi ng Sorsogon.
Signal No. 1 naman sa Batanes, Babuyan Islands, Bataan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, nalalabing bahagi ng Quezon, Occidental Mindoro kabilang ang Lubang Islands, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Calamian Islands, nalalabing bahagi ng Sorsogon, Masbate kabilang ang Ticao at Burias Islands, Aklan, Capiz, Antique kabilang ang Caluya Islands, Iloilo, Guimaras, mga hilagang bahagi ng Negros Occidental at Negros Oriental, hilaga at gitnang bahagi ng Cebu kabilang ang Bantayan at Camotes Islands, Bohol, mga nalalabing bahagi ng Eastern Samar at Northern Samar, Samar, Leyte, Biliran, Southern Leyte, Dinagat Islands at Surigao del Norte kabilang ang Siargao – Bucas Grande Group.