1,395 total views
Muling iginiit ng Office of Civil Defense ang kahalagahan ng pangkabuuang pagtugon ng bansa sa paglikha ng mga hakbang tungo sa pagiging matatag sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Kaugnay ito sa paggunita ng bansa ngayong Hulyo sa 2023 Disaster Resilience Month na may temang “BIDAng Pilipino: Building a stronger Filipino well-being towards disaster resilience”.
Ayon kay Civil Defense administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) executive director Undersecretary Ariel Nepomuceno, layunin ng pagdiriwang na itaguyod ang sama-samang pagsisikap na matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng publiko mula sa iba’t ibang sakuna at kalamidad na maaaring dumating sa bansa.
“The time is now for us to scale up our strategies and work in surmounting the impacts of disaster through foresight and preparedness.” pahayag ni Nepomuceno.
Paliwanag ni Nepomuceno na hinahangad ng taunang paggunita ng NDRM ang maibahagi mamamayan ang kaligtasan, katatagan, at kakayahang makiangkop sa pagbabago ng klima na nagdudulot ng mga sakuna at nakakaapekto sa mga pamayanan.
Tiniyak din ng OCD ang patuloy na pagkilos at pakikipag-ugnayan nito sa iba’t ibang sektor ng lipunan para sa pagbabahagi ng kaalaman at kasanayan sa pagtugon sa mga kalamidad.
“Our countrymen can thus be assured that we at the Office of Civil Defense will continue to advocate for action and cooperation from all levels of governance, community-based organizations and the public to ensure the safety, adaptiveness and resilience of every Filipino for this generation and the next.” dagdag ni Nepomuceno.
Hunyo 28, 2017 nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 29 na hinihikayat ang lahat ng tanggapan ng DRRMC sa buong bansa na gunitain ang Disaster Resilience Month sa pamamagitan ng mga gawaing may kaugnayan sa disaster prevention and mitigation, preparedness, response, at rehabilitation and recovery.
Bahagi ng tungkulin ng simbahan ang pakikipagtulungan sa pamahalaan para sa pagpapaigting ng kahandaan ng publiko sa pagtugon tuwing may kalamidad at sakuna.