347 total views
Hinihiling ni Prelature of Batanes Bishop Danilo Ulep ang lubos na kaligtasan ng Batanes at iba pang bahagi ng Northeastern Luzon sa banta ng Bagyong Kiko.
Idinadalangin ni Bishop Ulep na ipag-adya ng Panginoon sa panganib ang mga maaapektuhang lugar at iligtas ang lahat sa posibleng idulot na pinsala ng sakuna sa buhay ng mga tao.
“In the face of a possible strong typhoon that is about to hit Batanes and the rest of Northeastern Luzon, we beg you Lord and implore you to cover us with your paternal embrace and protection, and shield us from the possible destructive effects of this calamity. Full of trust and confidence in you, we entreat you to protect our people from any danger or harm that this typhoon may bring,” panalangin ni Bishop Ulep mula sa mensahe sa Radio Veritas.
Sa ngayon ayon kay Bishop Ulep, hindi pa ramdam ang epekto ng Bagyong Kiko sa Batanes, ngunit nakahanda na ang prelatura sa posibleng pagbabago ng panahon anumang oras.
Batay sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy ang paglakas ng Bagyong Kiko habang kumikilos sa direksyong pa-kanluran sa bahagi ng Philippine Sea.
Taglay nito ang lakas ng hangin sa 195 kilometro kada oras malapit sa sentro ng bagyo, pagbugso na aabot sa 240 km/h at pagkilos sa bilis na 20 km/h, kung saan inaasahang magiging super typhoon ito sa mga susunod na araw.