2,644 total views
Ito ang pangunahing paksa na tinalakay sa dalawang araw na pagpupulong ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Ayon kay CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David napagkasunduan ng mga obispo sa bansa ang maigting na pagpapatupad sa ensiklikal ni Pope Francis na Laudato Si upang matugunan ang lumalalang suliranin sa kalikasan.
Binigyang-diin ng Obispo na hindi lamang usapin ng climate change ang umiiral sa kasalukuyan kundi climate crisis na labis nakababahala ang magiging epekto.
Inihalimbawa ni Bishop David ang coastal cities ng Malabon at Navotas na lantad sa panganib na epekto ng pagkasira ng kalikasan.
“Nababahala ako bilang obispo na sa loob ng ilang dekada maaaring lumubog ang mga coastal cities and that includes all other coastal town and cities sa paligid ng Manila Bay,” bahagi ng pahayag ni Bishop David.
Dahil dito naglabas ng pastoral statement ang CBCP na pinamagatang ‘A call of unity and action amid a climate emergency and planetary crisis’ upang bigyang kamalayan ang mamamayan sa labis na epekto ng pagkasira ng kapaligiran at mga hakbang na nararapat gawin upang mapanatiling maayos ang kaloob ng Panginoon na magandang kalikasan.
Napagkasunduan din ng CBCP ang pag-divest at hindi pagtanggap ng mga donasyon mula sa mga institusyong namumuhunan sa mga paraang makasisira sa kalikasan tulad ng coal, pagmimina, quarry at iba pa.
“Suriing mabuti at maging critical sa pagtanggap ng mga donasyon,” ani Bishop David.
Ibinahagi ng CBCP na maging pamantayan din sa pagbalangkas ng pastoral statement sa nalalapit na 2022 National and Local Elections ang paninindigan ng mga kandidato sa usapin ng kalikasan lalo’t isa ang Pilipinas sa may pinakamagandang mga batas patungkol sa pangangalaga ng kapaligiran subalit hindi maayos na naipatutupad.
Ayon kay Bishop David, ilalabas ng CBCP ang pastoral statement sa halalan bago matapos ang Pebrero kasabay ng pagsisimula ng pangangampanya ng mga kandidato sa national levels.
Pangungunahan naman ng CBCP Commission on Social Action Justice and Peace sa pamamagitan ng implementing body na NASSA/Caritas Philippines sa pamumuno ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang pagpapatupad ng mga programa tungkol sa kalikasan katuwang ang iba’t ibang environmental groups tulad ng Laudato Si Philippines movement.
Ang ika-123 CBCP Plenary Assembly na ginanap nitong January 28 at 29 ay isinagawa online dahil sa patuloy na banta ng pandemya dulot ng coronavirus disease.