554 total views
Iginiit ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ang coronavirus pandemic ay hindi lamang sa kalusugan ng tao at ekonomiya ng bansa nakakaapekto.
Ayon kay CBCP-Permanent Committee on Public Affairs chairman at Imus Bishop Reynaldo Evangelista, ang pandemya ay nagdudulot din ng masamang epekto sa kalikasan at maaari pang magdulot nang mas matinding panganib sa mga tao.
Paliwanag ng Obispo, ito’y bunsod ng mga nalilikhang basura ng mga tao mula sa mga gamit na face masks, face shields at personal protective equipments bilang pag-iingat sa COVID-19, gayundin ang mga plastic mula sa mga produkto ng online shopping.
“Bagama’t may naidulot na positibong bahagi ang pandemya katulad ng low carbon emissions ng sasakyan at pabrika… nadagdagan naman nang malaki ang basura dulot ng mga ginamit na face masks, face shields, PPE at mataas na consumer spending,” bahagi ng pahayag ni Bishop Evangelista sa kanyang liham-pastoral.
Dagdag pa ni Bishop Evangelista na batid din ngayong pandemya ang pagtaas ng konsumo ng enerhiya dulot ng mga online activities sa loob ng mga tahanan katulad ng work-from-home, online classes at iba pang paraan na naglilimita sa kilos ng mga tao sa pampublikong lugar para makaiwas na mahawaan ng COVID-19.
Ipinaalala naman ng Obispo sa bawat mananampalataya na kasabay ng pangangalaga sa kalusugan upang makaiwas sa sakit ay ang pangangalaga rin para sa ating nag-iisang tahanan.
“Huwag nating kalilimutan na habang iniingatan natin ang ating kalusugan at mga pangangailangan ng ating pamilya, obligasyon din nating hilumin at pangalagaan ang ating kalikasan na siyang ating tahanan o common home,” ayon sa Obispo.
Kaugnay nito, hinihikayat ng CBCP ang bawat isa na ipanalangin na maging matiwasay at makabuluhan ang isasagawang United Nations Conference (COP 15) sa Oktubre at UN Climate Change Conference (COP 26) sa Nobyembre na magkaugnay sa layuning matugunan ang ang mga suliranin hinggil sa climate change na nagiging resulta ng pagkasira naman ng biodiversity.
Gayundin ang panawagang makiisa sa Healthy Planet, Healthy People petition na ang layunin nama’y hikayatin ang mga pinuno ng iba’t ibang bansa upang makalikha ng mga desisyon na naaangkop para sa kalikasan.