225 total views
Inilahad sa ensiklikal na Populorum Progressio ni St. Paul VI na ang lahat ng bagay ay nilikha para sa sangkatauhan lalo na ang kalikasan.
Iniulat ng Department of Tourism na mas dumarami ang mga dayuhang turista na bumibisita sa Pilipinas ngayong taon kumpara noong 2018.
Sa pahayag ni Tourism Secretary Bernadette Puyat, ang pagtaas ng bilang ng mga turista ay bunsod ng pagtutulungan ng mga pampubliko at pribadong sektor katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.
Aniya, ang pagpapaunlad sa mga lugar pasyalan sa bansa at pagpapalakas ng bawat komunidad ang naging daan sa paglago ng industriya ng turismo sa bansa.
“The convergence approach of the DOT with other government agencies and its partners in the industry is proving effective in expanding travel connectivity while inviting more tourists to come and visit through more enticing tourism products and packages” pahayag ni Puyat.
Batay sa tala ng DOT noong Agosto umabot sa 702, 843 ang bilang ng mga dayuhang turista ang dumating sa Pilipinas mas mataas ng 27 porsyento kumpara sa higit 500 libo noong 2018 sa kaparehong buwan.
Dahil dito umabot sa higit 5 milyon ang bilang ng mga dayuhang bisita mula Enero hanggang Agosto.
Kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga turista patuloy ang paalala ng Simbahang Katolika na panatilihing malinis ang kapaligiran partikular sa mga pasyalan upang mapanatili ang likas na ganda ng tanawin.
Base sa ulat ng DOT patuloy na nangunguna ang mamamayan ng South Korea na bumibisita sa Pilipinas kasunod ang China, Japan at United States of America.
Unang ipinaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco na mapapalago lamang ang turismo ng isang bansa kung magkakasalamuha ang bawat tao at maiwasan ang diskriminasyon sa pagitan ng iba’t ibang lahi.
Binigyang diin sa mga turo ng Simbahan na responsibilidad ng bawat isa ang gamitin at pagyamanin sa mapanuri at mabuting paraan ang angking likas na kagandahan ng kapaligiran ng Pilipinas na tinatangkilik maging ng mga dayuhan.