183 total views
Pinaalalahanan ni Diocese of Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez ang mga mananampalataya na panatilihin ang kaayusan at iwasan ang labis na pagkakalat ngayong nalalapit na pagdiriwang ng kapaskuhan para na rin mapangalagaan ang kalikasan.
Ayon sa Obispo, tiyak na kabi-kabila ang mga kasayahan at pamimili ng mga regalo na minsan nakakalimutan na ang kapaligiran dahil sa basurang itinatapon dito matapos ang okasyon kaya naman mahalagang huwag kalimutan ang tunay na diwa ng Pasko.
Dagdag pa ni Bishop Iniguez, tulad ng payak na kapanganakan ng Panginoon ay maging payak din nawa ang mga selebrasyon upang maiwasan ang labis na pagkakalat at sa gayon ay mapangalagaan din ang kalikasan.
“Ang pasko ay ang ating masayang pagdiriwang ng pagdating ng manunubos nang si Hesus ay isilang, kaya ito’y pagdiriwang natin ng pagliligtas ng Diyos sa atin at ang pagliligtas nya sa atin ay nangangahulugan na ating malaman at pairalin yung kaayusan na ayon sa kanyang kalooban, at alam natin na [dapat] ay ang kaayusan sa kalikasan,” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, noong 2014 umabot sa 42 truckloads ang mga basurang nakolekta sa Metro Manila na katumbas ng humigit kumulang 300 tonelada ng basura na nakolekta simula pasko hanggang unang araw ng Enero 2015.
Una nang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si na iwaksi ang throw away culture o ang labis na pagiging maaksaya upang mapangalagaan ang kalikasan.