280 total views
Mga Kapanalig, nag-viral sa social media noong nakaraang linggo ang video ng mga “batang hamog” na kumuha ng pagkain at nanakit ng mga pasahero sa isang jeep sa Macapagal Avenue sa Maynila. Nakalulungkot ang kalagayan gayundin ang ginawa ng mga bata, ngunit mas nakalulungkot ang panghuhusga sa kanila ng mga netizens.
Ayon sa kumuha at nag-post ng video, hindi bababa sa isang dosenang bata ang umakyat sa jeepney upang mamalimos, ngunit nauwi raw iyon sa pananakit sa mga pasahero at pagkuha ng kanilang pagkain. Tinawag na mga “magnanakaw” ng maraming netizens ang mga bata. Sinisi rin ng ilan ang umiiral batas na nangangalaga sa mga bata dahil kinukunsinti raw nito ang paggawa ng mali ng mga bata. Ang batas na kanilang tinutukoy ay ang Juvenile Justice and Welfare Act o JJWA.
Isa sa mga laganap na maling akala tungkol sa JJWA ay ang pangungunsinti nito sa mga bata, at ang hindi pagpapanagot sa kanila. Hindi ito totoo, mga Kapanalig. Pinapanagot ng JJWA ang mga bata nang batay sa kanilang kapasidad at nang naaayon sa prinsipyo ng katarungang nagpapanumbalik o restorative justice. Bagamat ang mga batang edad 15 pataas lamang ang may kriminal na pananagutan, hindi ibig sabihin nitong hahayaan na lamang ang mga mas nakababatang gumawa ng mali. Ayon sa batas, dapat silang dalhin sa isang social worker na siyang kakausap sa mga magulang. Itatala naman ng pulis ang nagawa ng mga bata. Dadaan din sila sa kaukulang programa nang kanilang maunawaan ang nagawang pagkakamali at maiwasang ulitin iyon. Para naman sa mga batang edad 15 pataas, mayroon na silang kriminal na pananagutan ngunit hindi sila dapat ipipiit kasama ng mga nakatatanda. Hindi makabubuting isama sila sa mga nakatatandang labas-masok na sa kulungan. Hangga’t bata pa sila, kailangan silang tulungang magbago sa paraang kinikilala ang kanilang pagkabata.
Ang mga batang nasa mga lansangan ay isa sa mga pinakalantad sa mga kalagayang nagtutulak sa kanilang labagin ang batas. Kabilang sila sa mga tinatawag na child-at-risk. Ayon sa Childhope Philippines, isang NGO na kumakalinga sa mga batang lansangan, aabot sa 70,000 ang mga batang lansangan o children in street situations sa Metro Manila. Hinaharap ng mga batang ito, gaya ng mga batang nasa video, ang malupit na mga lansangan araw-araw. Lantad sila sa napakaraming risgo o risks dala ng kawalan nila ng tirahan, sapat na pagkain, edukasyon, at malusog na pangangatawan. Hindi ba’t ang mga kakulangang ito sa napakabata nilang edad ang nagtutulak sa kanilang umasa sa limos at humingi ng pagkain sa mga estranghero?
Mga Kapanalig, nasusukat ang pagiging makatao ng isang lipunan batay sa pagturing ng mga mamamayan nito sa mga bata. Sa pagbisita ni Pope Francis sa ating bansa tatlong taon na ang nakararaan, tinanong siya ng isang batang dating nakatira sa lansangan: bakit daw hinahayaan ng Diyos na may mga batang walang makain at matulugan? Ang karanasan ng batang kumausap sa Santo Papa ay katulad ng nararanasan ng mga batang nasa video. Hindi direktang nasagot ni Pope Francis ang tanong ng batang babae sa kanya, ngunit sa kanyang misa sa huling araw ng pagbisita niya rito, sinabi niyang ang bawat bata ay isang biyaya. Dapat silang tanggapin nang malugod, itangi, at alagaan.
Mga Kapanalig, sa halip na husgahan natin ang mga batang nakunan ng video dahil sa kanilang nagawang mali, tungkulin nating mga nakatatanda ang kalingain at gabayan sila. Tinatawag tayong labanan ang mga kalagayang naglalagay sa mga bata sa lansangan. Pangunahing tungkulin naman ng pamahalaang tiyaking ang mga pamilya ng mga batang ito ay may tahanan at ang mga magulang nila ay may mahahanap na disenteng hanapbuhay.
Labis nang malupit ang kapaligirang kinalalagyan ng mga batang lansangan. Kalinga, hindi parusa, ang kailangan nila.
Sumainyo ang katotohanan.