301 total views
Mga Kapanalig, kung may isang isyung dapat pagtuunan din ng pansin ng mga kumakandidato sa eleksyon, ito ay ang pagpapaunlad ng sektor ng pangisdaan.
Sa ngayon, maraming non-government organizations ang patuloy na tumutugon sa mga suliranin ng mga mangingisda. Isang halimbawa ng kanilang inisyatibo ang “Classroom for Fisherfolk”, isang learning series na inorganisa ng marine conservation group na Oceana Philippines. Layon nitong matulungan ang mga mangingisdang makita ang kagyat na pangangailangang mapabuti ang lumalalang kondisyon ng ating karagatan. Hangad ng proyektong palakasin ang hanay ng mga mangingisda sa pamamagitan ng higit na pag-unawa sa kanilang mga karapatan at responsibilidad, at ang kahalagahan ng kanilang partisipasyon sa pangangasiwa ng yaman sa ating karagatan.
At tunay nga namang napakayaman ng ating mga karagatan. Buháy na patotoo ang mga isda, bahura, at iba pang nilalang sa mga dagat ng Pilipinas ng pagmamahal ng Diyos noong “nilikha [Niya] ang mga dambuhala sa dagat at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig”, gaya ng matutunghayan natin sa Genesis 1:21-23. Biniyayaan din tayo ng magagandang isla at dalampasigang tanyag sa mga turista at nagsisilbing tirahan at nagbibigay ng kabuhayan sa mahigit 60% ng ating populasyon. Nakalulungkot nga lamang na lubhang naabuso na ang mga yaman ng ating karagatan. Nariyan ang illegal fishing kapwa ng mga komersyal at munisipal na mangingisda. May mga lugar na wala o kulang sa mga patakaran upang protektahan ang karagatan at upang masuportahan ang kabuhayan ng mga coastal communities. Kung mayroon mang mga regulasyon, hindi nababantayan at maayos na naiuulat ng mga awtoridad ang mga gumagawa ng iligal na pangingisda.
Ano ang resulta ng labis na pangingisda o pagsasawalambahala sa ating pangisdaan? Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (o BFAR), 10 sa 13 pangunahing lugar ng pangisdaan sa ating bansa ay halos nasaid na. Paunti nang paunti ang nahuhuli sa karagatan, kaya nawawalan ng kabuhayan ang maliliit na mangingisdang kasama sa mga itinuturing na pinakamahirap sa ating bayan. Noong 2018, nasa 26.2% ang tinatawag na poverty incidence sa mga mangingisda; ibig sabihin, isa sa apat na mangingisda ang kumikita ng mas mababa sa halagang sasapat upang maituring na hindi mahirap ang isang Pilipino. Hindi pa natin pinag-uusapan ang mga epekto ng climate change sa ating pangisdaan. Napakahirap mang mabigyan ng solusyon ang mga epekto ng climate change sa karagatan, maaaring pagtuunan ng pansin ng ating mga mangingisda ang pagbabantay sa mga mapang-abuso at mapaminsalang porma ng pangingisda.
Ito ang kalagayang nais tugunan ng mga kalahok sa proyektong “Classroom for Fisherfolk” ng Oceana Philippines. Kung dati-rati ay inakala ng mga komunidad ng mga mangingisdang walang hanggan ang kayamanan sa karagatan at katubigan sa Pilipinas, nalaman nilang hindi ito totoo, at napakalaki ng kanilang responsibilidad upang pangalagaan ang yaman ng ating mga karagatan. Ang pagpapayaman sa karagatan ay siyang magiging tulay sa pagpapalago ng kabuhayan ng mga mangingisda, ng kanilang pamilya, komunidad, at sektor, hindi lamang ngayon kundi sa mga darating pang henerasyon.
Mga Kapanalig, sa ensiklikal na Laudato Si’, ipinapaalala sa atin ni Pope Francis na ang ating mundo ay para nating kapatid. Ngunit tumatangis ang kapatid nating ito, dahil sa sakit na kanyang dinaranas dala ng ating mga iresponsable at mapang-abusong gawi sa kung paano natin pinakikinabangan ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Kaya naman, inaanyayahan din ang sangkatauhang magtika sa ating mga kasalanan sa kapatid nating ito. Hinding-hindi mapuputol ang ugnayan ng pagkalinga sa kalikasan, ng katarungan lalo na para sa mga mahihirap, ng pagtataya sa lipunan, at ng kapayapaan sa ating kalooban. Ang pagkalinga sa karagatan ay pagkalinga rin sa biyaya ng buhay.