755 total views
Tinitiyak ng mga tagapamuno ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na mararamdaman ng mga naapektuhan at naghihirap sa malawakang pangkalusugang pandemya ang presensiya ng Simbahan.
Ayon kay Rev. Fr. Ronaldo Santos, Director ng Caritas Cubao, mas kailangan ngayon ng mamamayan ang presensya ng Simbahan lalo na’t marami ang nawalan ng hanapbuhay at mapagkukunan ng mapagkakakitaan dahil sa mga ipinatutupad na quarantine measures at patuloy na banta ng COVID-19.
“Napakahalaga ng presensya ng Simbahan ngayong panahon ng pandemya bilang sanhi ng lakas at pag-asa ng mga tao,” mensahe ni Fr. Santos sa Radyo Veritas.
Aminado ang Pari na dahil sa banta ng Delta Variant sa bansa ay kinakailangan ng ibayong pag-iingat ngunit hindianiya ito dapat maging dahilan upang hindi kumilos ang Simbahan sa pagtulong sa kapwa.
“Yes kailangan ng physical distancing pero hindi tayo dapat lalayo lalo na sa pangangailangan ng mga tao” dagdag pa ng Pari.
Ganito rin ang paniniwala ni Malolos Social Action Director, Rev. Fr. Efren Basco, patungkol sa tungkulin ng Simbahan ngayong muling nagbabanta ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Fr. Basco, dapat na patuloy na magbigay ng inspirasyon at pag-asa ang Simbahan sa mga nakakaranas ng paghihirap dulot ng pandemya.
“Mahalaga ang gampanin ng Simbahan. Sa gitna ng dilim at kawalan ng pag asa dulot ng purol na pamumuno ng ilang kawani ng ating gobyerno. Simbahan ang puntahan ng mga tao na kahit papaano maramdaman nila na hindi sila pinababayaan ng Diyos, maramdaman nila na may pag asa at mabuksan ang isipan nila na hindi lang tayo dapat manatili sa sasabihin ng iba kundi gumawa ng paraan at gawin ang kalooban ng Diyos,” pahayag ng Pari mula sa lalawigan ng Bulacan.
Magugunitang muling itinaas sa Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila habang may mahigpit din na pagbabantay sa mga lumalabas at pumapasok sa kabisera ng bansa.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay umakyat na sa 12, 021 ang karagdagang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ang pinakamataas sa nakalipas na 4 na buwan.
Patuloy naman ang mga ginagawang pamimigay ng ayuda ng iba’t-ibang organisasyon at parokya ng Simbahang Katolika hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t-ibang lalawigan.