3,418 total views
Ipananalangin ng Hijos Del Nazareno Central ang kaliwanagan ng isip ni Pura Luka Vega o Amadeus Fernando Pagente.
Ito ang mensahe ni Alex Irasga ang Technical Adviser ng grupo sa pagkaaresto sa drag queen sa kasong paglabag sa Article 201 of the Revised Penal Code – immoral doctrines, obscene publications and exhibitions, and indecent shows at Cybercrime Prevention Act of 2012 kaugnay sa drag performance na pag-awit ng punk rock remix version ng ‘Ama Namin’.
Umaasa si Irasga na lubos na pagsisihan ni Pagente ang kalapastanganang ginawa sa Panginoon lalo’t bukod sa pagkanta sa Ama Namin ay nakasuot ito ng damit tulad ng kasuotan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
“Ipapanalangin po namin na sana ay makakita ng kaliwanagan si G. (Amadeus) Pagente sa mga kasong kanyang kinakaharap kaugnay ng kanyang paglapastangan sa kabanalan ng ating Panginoon,” pahayag ni Irasga sa Radio Veritas
October 3, alas kuwatro ng hapon ng isilbi ng mga kawani ng Manila Police District’s (MPD) Sta. Cruz station sa pangunguna ni Maj. Billy Ray Canagan ang arrest warrant laban kay Pagente na inilabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 36.
Hindi dumalo sa mga pagdinig si Pagente sa kasong isinampa ng Hijos del Nazareno-Central at iginiit na hindi ito nakatanggap ng anumang subpoena hinggil sa kaso.
Nanindigan si Irasga na sa pagsimula ng kaso ay ipinaubaya na ng grupo sa justice system ng bansa ang paglilitis kay Pagente.
Bukod sa kasong isinampa ng mga deboto ng Poong Hesus Nazareno ay nagsampa rin ng reklamo ang evangelical group na Philippines for Jesus Movement.
Pinapayagan naman na magbayad ng piyansa si Pagente na itinakda ni Manila RTC Branch 36 acting presiding Judge Czarina Encarnacion Samonte-Villanueva na nagkakahalaga ng P72, 000.
Patuloy pa ring iginigit ni Pagente na ‘expression of faith’ ang kanyang ginawang pagtatanghal ay nanindigan naman si CBCP Public Affairs Executive Secretary Fr. Jerome Secillano na isang paglapastangan sa Panginoon ang kanyang ginawa dahil ang mga panalangin ay nararapat ipahayag nang may ibayong paggalang.