199 total views
Ito ang ibinahagi ng Arsobispo ng Maynila sa mananampalatayang dumalo sa isinagawang Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly sa Paco Catholic School.
Ayon kay Luis Antonio Cardinal Tagle dapat matutuhang tuklasin ng bawat isa si Hesus na siyang kaloob ng Diyos Ama sa sangkatauhan.
Paliwanag ng Cardinal, kadalasang naisasantabi ng tao si Hesus dahil dumadating ito sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap ng bawat indibidwal.
“Ang regalo ng presensiya ni Hesus ay dumarating sa konkretong karanasan ng tao,” pagninilay ni Cardinal Tagle.
Aniya, nawa’y makikita at maramdaman ng mga mananampalataya si Hesus na kumikilos sa bawat sitwasyon at hamon ng buhay habang patuloy na naglalakbay sa sanlibutan.
Ang pagninilay ni Cardinal Tagle sa unang MAGPAS ngayong 2019 ay sumesentro sa ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021 kung saan unang ipinakilala ng misyonero noong 1521.
Hamon ng Arsobispo sa mananampalataya na kinabibilangan ng mga Pari, Madre at mga Layko kung isinasaloob si Hesus makaraan ang halos 500 taon nang ipinakilala ito sa bansa.
Sinabi pa nitong hindi lamang basta tanggapin sa Hesus bilang kaloob kundi mas mahalagang isinasaloob ng tao ang mga katangiang taglay ni Hesukristo.
“To accept the gift is to accept Jesus,” ani ng Cardinal.
Umaasa si Cardinal Tagle na sa pagsasaloob ni Hesus ay ang pagtanggap nito bilang ating buhay at katuwang ng bawat indibidwal sa lahat ng pagkakataon.
Kung ito ay magagampanan ng bawat mananampalataya, nakahanda itong ipagkaloob si Hesus sa kapwa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Sa paghahanda ng Simbahang Katolika sa Pilipinas para sa malaking pagdiriwang sa 2021, mas paiigtingin ngayon ang pagpapalakas sa ebanghelisasyon sa mahigit 80 milyong Katoliko sa bansa dahil karamihan ay dito ay nananamlay ang kanilang pananampalataya.
Hinimok ng mga lider ng Simbahan ang mamamayan na makiisa sa paghahanda ng ika 500 taon ng Katolisismo sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga gawain ng bawat Parokya.