452 total views
Pinaalalahanan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mananampalataya na ang mga kaloob ng Banal na Espiritu ay para sa buong pamayanan at hindi para sa personal na interes.
Ito ang pagninilay ng arsobispo sa pagdiriwang ng Linggo ng Pentekostes.
Paliwanag ni Archbishop Palma na ipinadala ng Diyos ang Banal na Espiritu upang magkaisa ang pamayanan at pagbuklurin ang sangkatauhan sa tulong ng mga kaloob nito.
“The Holy Spirit is the life of the Church – and the Spirit gives us various gifts. The Lord does not give a gift simply for the sake of the person, privately – but for the sake of the community. Mao kini [ito ang] ang papel sa Espiritu Santo, to gather as all as one family,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Hamon pa ni Archbishop Palma na higit ipakita ang diwa ng pagmamalasakit sa pamayanan at gamitin ang kaloob ng Espiritu Santo ngayong patuloy nanalasa sa lipunan ang coronavirus pandemic na lubha ang pinsalang idinulot sa bawat isa.
Sa monitoring ng Department of Health mahigit na sa isang milyon ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan nagdulot ito ng labis na kahirapan sa may sampung milyong pamilya sa bansa at pagkagutom sa halos limang milyong indibidwal.
Patuloy ang pagkilos ng simbahang katolika upang lingapin ang mahihirap na komunidad at matulungan ang nahihirapan upang maibsan ang dinaranas sa kasalukuyan.
Ang Linggo ng Pentekostes ay tinaguriang kaarawan ng simbahang katolika, ang ika – 50 araw mula sa Linggo ng Muling Pagkabuhay at ang pagbaba ng Banal na Espiritu sa mga apostol.
Batay sa kasulatan pito ang kaloob ng Banal na Espiritu ang Karunungan, Pagkaunawa, Kaalaman, Pagpapayo, Katatagan, Kabanalan at ang Pagkatakot sa Diyos.
Umaasa si Archbishop Palma na sa tulong at gabay ng Espiritu Santo ay mapanibago ang sambayanan at magbalik loob sa Panginoon at talikdan ang kasalanan.