172 total views
Labis ang pasasalamat ng Diocese of Maasin sa pagtugon ng Radyo Veritas at Caritas Manila sa kanilang pangangailangan dulot ng epekto ng El Niño.
Ayon kay Diocese of Maasin Social Action Director Rev.Fr. Harlem Gozo, malaking tulong sa kanila ang mahigit P300 libong piso na donasyon ng Caritas Manila na pambili at paglalagay ng mga “jetmatic water pumps” para sa mga komunidad na hirap pa din sa tubig dulot ng tagtuyot.
Naniniwala si Fr.Gozo na ang kanilang ginagawang pagkilos katuwang ang ibang institusyon ng Simbahan Katolika tulad ng Caritas Manila at Radyo Veritas ay pagpapatunay lamang ng patuloy na misyon at pananagutan ng mga katoliko na matulungan ang ating kapwa sa panahon ng kalamidad.
“The poor are really crying out for help… Ang ginagawa ng Simbahan, meron tayong malaking pananagutan sa Panginoon kaya nagpapasalamat kami na ang Panginoon ay really good to us through Caritas Manila and Social Action Services that we have, Thank you very much.” pahayag ni Fr. Gozo sa panayam ng Radio Veritas.
Tinatayang aabot sa P307,550 pesos ang donasyon na ipinadala ng Caritas Manila sa nasabing Diyosesis kung saan ito ay gagamitin para sa pagpapagawa ng 10 Jetmatic na magagamit na ng mga residente hanggang sa mga susunod pang taon.
Batay sa datos ng Department of Agriculture noong Marso, umabot na sa hindi bababa sa 5 bilyong piso ang pinsala na inabot ng sektor ng agrikultura dahil sa tagtuyot.