286 total views
Homiliya Para sa Pampitong Araw ng Simbang Gabi, Miyerkoles ng Ikaapat na Linggo ng Adbiyento, Lukas 1:46-56
Dalawang babae ang kumakanta sa ating mga pagbasa ngayon: si Ana sa ating first reading at responsorial psalm, at si Mama Mary sa ating Gospel reading.
Sa unang pagbasa narinig natin ang kuwento ni Ana, ang baog na asawa ni Elkanah. Humiling daw siya sa Diyos ng anak at nangako na kapag pinagbigyan ang hiling niya itatalaga niya ang bata sa paglilingkod sa templo ng Siloh. Dininig ng Diyos ang panalangin niya at nagbuntis siya at nagsilang ng isang lalaki na siyang magiging dakilang propeta Samuel. Ang tawag noon sa mga batang itinalaga sa Panginoon ay NAZAREO, katulad ni Samson sa kuwentong binasa natin kahapon. Mga tipong ermitanyo, nag-aayuno sa alak, balbas-sarado, long hair.
Ang narinig nating Responsorial Psalm kanina ay ang tinatawag kong “Magnificat ni Ana.” Hawig na hawig ito sa Magnificat ni Maria. Sabi niya,
“Diyos kong Tagapagligtas, pinupuri kitang wagas! Ibinabagsak mo ang mga makapangyarihan at pinalalakas mo ang mga mahihina…Nasa iyo ang kapangyarihang bigyan o bawian kami ng buhay, ang payamanin kami o paghirapin, ang ibaba o itaas ang aming kalagayan, ang dakilain ang aba at hanguin sa kahirapan ang mga dukha, ang ihanay sila sa mga maharlika at bigyang karangalan ang mga dustang-dusta.”
Sa ebanghelyo naman, narinig natin ang awit ni Maria matapos na batiin siya ni Elisabeth. Siya ang magsisilang sa batang tutupad sa pangako ng Diyos kay Abraham: si Hesus na tatawaging NAZARENO.
Noong panahon na nasa ilalim pa ng diktadura ang ating bansa, sa araw ng April 11, 1985, halos 34 na lay leaders ng mga BEC sa Diocese of Kidapawan ang inaresto at pinaratangang mga NPA daw at pinagpapaslang. Noong huling dumalaw ako sa Diocese of Kidapawan, ipinakita sa akin ng bishop doon ang sementeryong pinaglibingan sa tinatawag nilang “mga martir ng Kidapawan”, lalo na ang mga lider ng mga BEC (basic ecclesial communities) na minasaker ng mga vigilantes na noon ay ginamit ng diktadura bilang mga para-military troops. Kasalukuyan daw noon na nagsasagawa ng Bibliarasal ang mga BEC leaders sa loob ng isang kapilya. Ganito rin ang eksenang nangyari sa isang bayan sa El Salvador sa South America. Pinasok din sila ng mga sundalo, at nagkataon daw na ang paksa ng kanilang “Bible sharing” ay ang MAGNIFICAT, ang awit ng papuri ni Mama Mary, ang ebanghelyo natin ngayon.
Hinablot daw ng sundalo ang papel na hawak ng isang lider at siniyasat niya ang nakasulat sa papel. Saka niya itinanong, “Sino sa inyo ang sumulat ng subersibong kantang ito?” Itinuro daw ng isa ang imahen ng Birhen Maria sa kapilya. At sa pag-aakalang niloloko siya ng tao, dinampot sila at pinagpapatay.
Subersibo nga naman ang dating ng nasabing awit. Pakinggan natin: “Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig. Pinangalat niya ang mga mapang-abuso. Ibinagsak niya ang mga makapangyarihan mula sa kanilang kanilang mga trono at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.” Akala siguro ng mga sundalong wala namang alam sa Bibliya, isinulat ito ng isang radikal na aktibistang nag-uudyok ng rebolusyon sa lipunan. Totoong radikal ang nasabing tula. Pero hindi isang komunista ang bumigkas nito, ayon kay San Lukas, kundi isang kabataang babaeng taga-Nazareth noong dalawang libong taon na ang nakararaan.
Hindi daw pala kalooban ng Diyos na ang mga dukha ay abusuhin ng mga nasa kapangyarihan. Ang mga nang-aalipusta sa mga mahihina, ang mga nang-aapi sa mga walang kalaban-laban, Diyos ang makakalaban nila. Dahil ang Diyos ay Diyos na may habag para sa maliliit, at pumapanig sa mga kinakawawa. Hindi siya natutulog; siya ang maniningil sa mga kalabisan ng mga nagdiDiyos-Diyosan dito sa mundo. Tuturuan niya ng aral ang mga mapagmataas at mapanlait sa mga aba, bibigyan niya ng katarungan ang mga inaalipusta, katulad ng ginawa niya noong ang Israel ay inalipin sa Egipto. Palalayain niya ang mga bilanggo na pinaratangan ng hindi totoo.
Ibig bang sabihin ay magbabaligtad ang kalagayan? Na ang mataas ay ibababa para sila naman ang aapihin, at ang mabababa ay itataas para sila naman ang mang-aapi? Hindi. Hindi kaligtasan ang tawag dito kapag umikot lang ang mundo, kapag nagbaligtad lang ng kalagayan ang mga tao. Katarungang panlipunan ang pangarap ng Diyos para sa ating lahat. Ibababa ang mga naghahari-harian at itataas ang mga tinatapakan, hindi upang pagbaligtarin ang kalagayan nila, kundi upang ipantay sila sa isa’t isa, dahil sa mata ng Diyos, walang mataas at mababa, walang malaki at maliit. Lahat ay magkapantay ng dangal bilang nilikhang kawangis niya at tinawag upang maging kapamilya niya.
Hindi naman nilikha ng Diyos ang mga mabubuting bagay dito sa mundo para pakinabangan lamang ng kakaunti o iilan, kundi ng nakararami. Kaya tayo walang kapayapaan sa mundo, kaya laging may hidwaan at labanan, dahil may lamangan. Ang tanda na tumataas ang dangal ng tao, ay kapag nagiging mahabagin din siya sa mga mahihina, mga maysakit, mga nasasantabi, mga may kapansanan.
Ang katuparan ng pangarap ng Diyos, ito ang orihinal na awit ng Pasko, ang awit ng mga anghel: Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong MAY MABUTING KALOOBAN. Ang kaligtasan ay nagsisimula sa pag-usbong ng mabuting kalooban.
Wika nga ng propeta Isaias 11:6-8:
Ito ang hula ng propeta: “Magiging lubos ang kapayapaan sa kanyang paghahari. Ang asong gubat ay maninirahang kasama ng tupa. Mahihigang magkakasama ang kambing at tigre. Magsasama rin ang baka at batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila ay mga batang paslit. Kahit maglaro ang mga bata sa tabi ng lungga ng mga ulupong…hindi sila mapapahamak.”