257 total views
Isinasama ng Simbahang Katolika sa panalangin nito ngayong buwan ng Nobyembre ang ikapapaya ng kaluluwa ng mga nasa likod ng pamamaslang sa “extra – judicial killing” at lahat ng mga nasasawi dahil sa Oplan Tokhang ng pamahalaan.
Ito ang inihayag ni Diocese of Laoag Bishop Renato Mayugba, ngayong iniaalay ng mga Katoliko ang buong buwan ng Nobyembre sa pananalangin sa lahat ng mga kaluluwa sa purgatoryo at sa mga kaluluwa ng wala ng nakaka – alala sa kanila.
Paliwanag pa ni Bishop Mayugba, gampanin ng Simbahan na ipagdasal ang lahat ng nangangailangan ng ating panalangin, banal man o makasalanan. Pinayuhan rin nito ang lahat na ipanalangin ang kaluluwa ng mga taong patuloy na gumagawa ng krimen na sila ay kaawaan ng Diyos.
“Ang Simbahan ipinagdarasal lahat ng mga namatay, mga banal at kasama na rin ng mga makasalanan. Para sa atin walang banal, walang makasalanan lahat ay nangangailangan ng dasal. Sa buwan ng Nobyembre ating pinag – iisipan ang kamatayan at yan ang nagpapa-alala sa lahat ng gumagawa ng masama lalong – lalo na ang nanakit ng kanilang kapwa at guilty ng tinatawag na gumawa ng pagpatay sa kapwa nila na pinaslang sa tinatawag nating “extra – judicial killing,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mayugba sa Veritas Patrol.
Pinaalalahanan rin nito ang mga taong patuloy na kumikitil na magbalik loob sa Diyos lalo’t lahat ng Poong Maykapal ang lahat ng ating ginagawa mabuti man o masama. Dahil aniya, sa huling paghuhukom lahat tayo ay haharap sa Dakilang Hukom na siyang huhusga sa ating nagawa dito sa lupa.
“Alalahanin natin lahat tayo ay haharap sa Diyos na siyang huhusga sa atin at ang Panginoon alam niya lahat ng ginagawa natin. Lahat will be judged by the Most Just Judge, dapat magkaroon tayo ng takot na gumawa ng masama,” giit pa ni Bishop Mayugba sa Radyo Veritas.
Nabatid na mula sa datos ng Philippine National Police sa patuloy nitong operasyon kontra iligal na droga mula July 1 hanggang ika – apat na Linggo ng Octubre 2016, tinatayang mahigit 4,700 na ang naitalang namatay na isinasangkot sa ipinagbabawal na gamot, sa parehong ligal na operasyon ng kapulisan at vigilante killings o hindi maipaliwanag na pagpaslang kasama na ang mga namatay na patuloy na iniimbestigahan.
Samantala, nauna ng nag – alay ng banal na misa at panalangin ang Simbahan sa program nitong “Huwag Kang Papatay” para sa lahat ng nasawi sa laban ng gobyerno sa ipinagbabawal na gamot. Kasabay rin nito ang paglulunsad ng Caritas Manila Restorative Justice Ministry ang SANLAKBAY tungo sa pagbabagong buhay na pinangungunahan ng kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.