230 total views
Kapanalig, hindi maalis-alis ang problema ng stunting o pagkabansot sa ating bansa. Kay dami dami pa ring mga bata sa ating bayan ang masyadong maliit at magaan para sa kanilang edad. Sintomas ito ng malakawan at matagalang kakulangan sa nutrisyon ng maraming mga komunidad sa ating bayan.
Ayon sa World Bank, isa sa tatlong bata ay stunted o bansot sa ating bayan. Ang stunting ay hindi lamang pagiging payat o maliit, nagdudulot din ito ng marami pang komplikasyon sa katawan ng bata. Kulang sila sa resistensya sa ibat ibang sakit, pinupurol din nito ang utak at pag-iisip nila. May mga pagkakataon na nahihirapan ding huminga ang mga batang stunted. Sakit ang dinadanas nila sa kasalukuyan, na may panghabang buhay na epekto sa kanilang katawan at pag-iisip.
Kadalasan, ang mga bata ay nababansot dahil sa kahirapan – hindi kaya ng kanilang pamilya na mabigyan ng masustansyang pagkain ang kanilang mga anak. Mas malala ang ganitong problema sa mga probinsiya kung saan salat na sa pagkain ang mga bata, salat pa sila sa mga kalingang pangkalusugan. Kahit pa nga minsan may mga health centers o doctor, mas marami ang hindi pumupunta dito dahil gastos pa sa pamasahe, bayad sa doctor, at gamot. Isa rin sa mga nagpapalala ng stunting sa hanay ng mga bata ay ang kakulangan sa impormasyon ukol sa pangangalaga sa mga bata.
Para malabanan ang stunting, kailangan natin kumilos ng nagkakaisa – whole of community approach, kapanalig. Hindi lamang ang pamahalaan ang kasama dito, kundi tayong lahat – mula sa household level, kasama ang komunidad. Kailangan nating maglunsad ng malawakang kampanya para dito para mapangalagaan natin ang kalusugan ng mga bata.
Ang kampanyang ito ay hindi lamang dapat malimita sa pagtuturo ng tamang pagkain o sa pagkonsulta sa mga health professionals. Ang kampanya para sa kalusugan ng mga bata ay kailangan ding isama ang kabutihan ng pamilya at komunidad. Kasama dito ang livelihood ng mga tahanan para may pantustos sila ng pagkain. Kasama rin dito ang kalinisan sa komunidad para mailayo natin sa mga sakit ang mga bata.
Kapanalig, ang problema ng stunting ay sintomas ng chronic poverty sa ating bayan. Kahit maglunsad pa tayo ng feeding program, magkukulang at magkukulang ito kung hindi natin maiaangat sa kahirapan ang maraming pamilyang Pilipino. Kaya’t akma ang paalala ng Gaudium et Spes sa atin: Feed the people dying of hunger, because if you do not feed them you are killing them… Above all, give them aid which will enable them to help and develop themselves.
Sumainyo ang Katotohanan.