70,423 total views
Mga Kapanalig, kung magkakatotoo ang sinabi ni Vice President Sara Duterte sa isang ambush interview noong isang linggo, tatlong Duterte ang makikita natin sa balota sa pagkasenador sa eleksyon sa 2025.
Sila ay ang mag-aamang sina dating Pangulong Digong Duterte, Congressman Paolo Duterte ng unang distrito ng Davao, at Mayor Sebastian Duterte ng Davao din. “Confirmed ‘yan,” bida ni VP Sara. Ang kanyang nanay daw ang nagsabi sa kanya. Ang bise presidente naman, planong bumalik sa pagiging mayor ng siyudad na pinamumunuan na ng kanilang pamilya sa loob ng napakahabang panahon.
Talaga namang family business ang tingin ng mga pulitiko sa pagpasok sa gobyerno. Malayo ito sa ipinaalala ni Pope Francis sa pagdiriwang ng World Day of Peace noong 2019. Aniya, “Politics is an essential means of building human community and institutions, but when political life is not seen as a form of service to society as a whole, it can become a means of oppression, marginalization and even destruction.” Ang tuon ng pulitika, ayon sa Santo Papa, ay ang bumuo ng pamayanan at institusyon para sa kapakanan ng tao. Kung hindi tao ang prayoridad ng pulitika kundi ang makikitid na interes ng mga nasa larangang ito, nauuwi ito sa pang-aapi, pagsasantabi, at pagkawasak ng tao.
Hindi na bago ang mga tinatawag na “kamag-anak, incorprated” sa pulitika sa ating bansa. Mula sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno hanggang sa mga nasa barangay, halos magkakamag-anak ang mga namumuno. Mag-ama, mag-ina, mag-asawa, magkakapatid, magpipinsan—lahat mula sa isang pamilya o angkan. Kilala sila sa tawag na political dynasty. Sa simpleng depinisyon, ang isang opisyal ng gobyerno ay miyembro ng political dynasty kung may kamag-anak siyang nahalal din sa puwesto. Ayon sa pagmo-monitor ng Ateneo School of Government, 67% ng mga kongresista bago ang halalan noong 2022 ay mula sa political dynasty. Nasa 80% naman sa mga gobernador at 53% sa mga alkalde ng bayan.
Fat o mataba ang isang political dynasty kung sabay-sabay na nakaupo sa puwesto ang mga magkakamag-anak. Marami ang mga ganito ngayon. Huwag na tayong lumayo: si Pangulong BBM, may kapatid na senador at may anak at pinsan na congressman. Sa pamilya naman ni VP Sara, nasa pulitika rin ang kanyang mga kapatid. Maaari itong mas tumaba o maging fat pa kung tatakbo nga sa pagkasenador at manalo ang kanyang ama at mga kapatid.
Laganap ang mga political dynasties dahil sila ang ating ibinoboto. Maraming dahilan kung bakit. Siguro dahil sila ang nalalapitan ng mga tao sa panahon ng pangangailangan. Ang pagboto sa kanila ay paraan ng pagtanaw ng utang na loob. O baka dahil sila ang pamilyar sa mga tao. Pero may mga pagkakataon din kasing wala nang ibang pagpipiliian ang mga tao tuwing eleksyon. Matatalo lamang kasi ang sinumang magtatangkang tumabko laban sa mga miyembro ng kilalang dinastiya sa isang lugar. Sa huli, talaga yatang bihirang nakabatay sa plataporma at track record ang pagpili ng maraming botante.
Hindi nakikita at lubos na nauunawaan ng marami sa ating may hindi magagandang epekto ang pamamayagpag ng mga political dynasties. Ayon pa rin sa Ateneo School of Government, may koneksyon ang pamumuno ng mga political dynasties sa mas mabagal na pag-unlad ng isang lugar, paglala ng katiwalian, at paghina ng demokrasya. Ang mga epektong ito ang pilit na itinatago ng mga pamilyang matindi ang kapit sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pagbulag sa mga tao gamit ang mabubuti raw nilang ginagawa.
Mga Kapanalig, sabi nga Marcos 9:35, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Gaano ito katotoo sa mga kasapi ng “kamag-anak, inc.”?
Sumainyo ang katotohanan.