41,346 total views
Naniniwala ang Aid to the Church in Need (ACN)-Philippines na sangay ng pontifical foundation ng Vatican sa bansa na isang pambihirang pagkakataon ang Red Wednesday campaign upang epektibong mapalawak ang kamalayan ng bawat isa sa pag-uusig na dinaranas ng mga Kristiyano sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Tema ng Red Wednesday ngayong taon ang ‘Embracing Persecuted, Oppressed and Christians in Need’ na layuning higit na palaganapin ang kamalayan ng bawat isa sa kalagayan at kapakanan ng mga inuusig na Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo.
Pinangunahan ni Msgr. Bernardo Pantin ang secretary general ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang Evening Eucharistic Celebration for Persecuted Christians in the Philippines and Worldwide sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral na sinundan ng pagpapailaw ng kulay pula sa labas ng Simbahan.
Ayon sa ACN-Philippines, ang pula ay sumasagisag sa alab ng puso at dugo ng mga Kristiyanong dumaranas ng pag-uusig at pinapaslang sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na mahalagang patuloy na alalahanin, at ipanalangin ang kapakanan at sitwasyong pinagdaraan.
“Kami dito sa Pilipinas nagpapadala, nagpapaabot ng aming mga panalangin at yung aming tulong na magagawa namin lalo na para sa lalo na sa mga nahihirapan na mga Kristyano sa buong mundo kasi ginugunita nga with the help of the Aid to Church in Need ito ngayon yung yearly na celebration of Red Wednesday kasi naman talaga ang dami dami [na mga persecuted Christians] so pagtulungan nating lahat na through our prayers and through the help that we can give” Ang bahagi ng pahayag ni Msgr. Pantin sa Radio Veritas.
Una ng binigyang diin ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na bilang kasapi ng iisang Simbahan at magkakapatid sa Panginoon ay naaangkop na magkaisa ang mga Kristiyano upang ipanalangin, alalahanin at bigyang pugay ang bawat isa lalo’t higit ang mga dumaranas ng pagdurusa dulot ng pag-uusig dahil sa kanilang paniniwala at pananampalataya.
Matatandaang Enero ng taong 2020 ng aprubahan ng CBCP ang institutionalization ng Red Wednesday campaign ng Aid to the Church in Need sa bansa o ang pormal na pagtatalaga ng Red Wednesday bilang taunang pagdiriwang ng Simbahan sa buong bansa na isang tanda ng hindi pagsasawalang kibo ang mga Pilipino sa dinaranas na hirap ng mga inuusig na Kristyano sa buong daigdig.