370 total views
Paigtingin ang pagtutulungan alang-alang sa paglilingkod sa Panginoon.
Ito ang hamon ng Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagdiriwang ng ika-60 taong anibersaryo ng Manila Archdiocesan and Parochial Schools Association.
Binigyang diin ng Kardinal na kinakailangang pananampalataya ang maging ugat ng lahat ng bagay dahil kung wala ito ay mawawalan din ng saysay ang mga ginagawa ng tao.
Inihalimbawa niya ang paggamit ng teknolohiya na makapangyarihang impluwensya lalo na sa mga kabataan.
Aniya, ang maling paggamit nito ay maaaring makapatay ng tao, at kung wala ang Diyos, anu mang karunungan na magmumula dito ay maituturing lamang na kamangmangan.
“Grabe ha, yung technology n’yan gagamitin para patayin ang tao. Hindi na kailanangan minsan ng baril, kailangan lang ang karunungan mo sa paggamit ng mga ganyang gadgets at pwede kang pumatay. E, ‘di ba yan ay para sana sa sharing of knowledge, of information pero ‘pag nakalimutan ang Diyos lahat yan ay karunungan na umuuwi sa pinakamalalim na kamangmangan.” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Dahil dito, ipinaalala ni Cardinal Tagle ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pagkaka-isa at pagpapaigting ng pagtutulungan ng lahat ng mga paaralan, lalo na ang mga Archdiocesan at Parochial Schools.
Aniya, ang mga ito ay may iisang mithiin na mahubog ng mabuti ang pag-uugali at kaalaman ng mga mag-aaral.
Kaya naman umaasa siya na sa ika-60 taong anibersaryo ng MAPSA ay mapalalakas pa nito ang mga programa para sa mga mag-aaral.
“Sana sa pamamagitan ng MAPSA, tayong lahat ay magkatulung-tulong, mabuklod sa iisang misyon. Kapag pinagsama-sama natin ang ating mga Catholic schools at tayo’y kumilos ng sama-sama , ng may pananampalataya at may misyon, tinanggap kay Hesus at misyon para sa lipunan, napakalaking ambag ito… Sabi ni Pope Francis, synodality, walking together because we have only one mission, we have only one humanity to serve and here we have one nation and we have one common home, our earth to take care of.” Pahayag pa ni Cardinal Tagle.
Sa kabuuan ang MAPSA ay mayroon nang 118 school members sa buong Pilipinas na nagmula sa 10 mga Diyosesis.