210 total views
Simulan natin ang ating pagninilay sa isang kuwentong tunay na nangyari. Minsan, sa isang eskwelahan ng mga special children na may “down syndrome” na mas kilala ng Pilipino sa salitang mongoloid, nag-organize ang mga parents ng isang palaro. Tulad ng mga athletic competitions sa mga eskwelahan para sa mga regular na estudyante, mayroon ding mga trophies para sa mga magwawagi—first prize, second prize, third prize sa bawat kategorya at overall champion.
Sa kategorya ng 100-meter dash, pabilisan ng takbo, naghanda ang mga contestants at humilera na sa linya sa track and field. Nagbigay ng hudyat ang sports teacher, “On your mark, get set, go!” Nagsitakbo na ang mga bata. Lahat ng parents nasa gilid, sinisigawan ang kani-kanilang anak “Bilis! Bilis!” Lahat gustong mauna ang anak nila. Nang malapit na sila sa finish line, nagkataon na iyung pinakamataba sa kanila na may kabagalan ang takbo ay biglang bumagsak. Napasigaw ang mga nanonood. Bagay na tumawag pansin sa mga bata. Lahat, pati iyung nauuna ay nagsihinto at lumingon. Sumisigaw pa rin ang ibang mga magulang ng “Takbo! Takbo!” Pero lahat sila ay bumalik para tulungan ang kaklase nila na tumayo.
Maya-maya, nang makatayo na ang bumagsak, nagkapit-bisig silang lahat at sabay-sabay na tumakbo patungo sa finish line. Lahat sila, winner. Ang trophy para sa hundred-meter dash ay para sa lahat.
Pagkatapos ng palaro, ininterbyu ang mga bata habang nakikinig ang mga magulang. Bakit kayo huminto at bumalik? Sabi nila, tinuro ni titser na pag mayroong bumagsak, kailangang tulungan. Sabi rin ni titser, walang unahan, mas maganda ang sama-sama. Natahimik ang mga magulang. Tinuruan sila ng sariling mga anak nila na mas importante kaysa manalo o mauna ang umakay sa bumabagsak at sabay-sabay na maglakbay.
Siguro, kaya hindi tayong lahat ginawang perfect, malakas, matalino, malusog, o maganda ng Panginoon. Kung hindi mag-uunahan tayo, magpapaligsahan. Kapag nasanay tayo na makipag-unahan, magpalakasan, pagalingan, pahusayan, pagandahan, titingnan natin ang kapwa bilang kalaban, katunggali, kakumpetensya imbes na kapatid, kasama, kaibigan. Ito ang nagpapababa sa pagkatao natin.
Kapag natuto tayong kumalinga sa maysakit, magpalakas sa mahihina, sumuporta sa may kapansanan, umalalay sa may karamdaman, tumataas ang pagkatao natin. Ganito ang simpleng aral ni Hesus sa ating ebanghelyo ngayon. Ang maghangad ng tunay na kadakilaaan hindi sa pakikipagpalakasan o pakikipag-unahan. Iyan daw ang prinsipyo ng daigdig. Hindi ganyan ang prinsipyo ng kaharian ng Diyos.
Ang ibig maging dakila ay dapat matutong maglingkod. Ang ibig mauna ay dapat maging handang magpahuli, katulad ng Anak ng Diyos na nakilakbay sa sangkatauhan bilang Anak ng Tao, upang tayo ay maging mga anak ng Diyos.
Ito ang inilulunsad natin sa araw na ito, kasabay ang lahat ng mga diyosesis sa buong mundo. Sa araw na ito sinisimulan ang dalawang taon ng paghahanda para sa isang pandaigdigang Sinodo na ang tema ay TUNGO SA ISANG SIMBAHANG SINODAL (o sama-sama sa pakikilakbay).
Alam nating lahat ang talinghaga ni Hesus tungkol sa manlalakbay na nabiktima ng mga tulisan at ang naging reaksyon ng tatlong manlalakbay na nakakita sa kanya. Nakita siya ng Saserdote at dinaanan. Nakita rin ng Levita at dinaanan. Nakita siya ng Samaritano, kinahabagan, kinalinga, tinulungan.
Sa isang sermon na ibinigay ng pastor at bayani ng black civil rights movement na si Martin Luther King tungkol sa nasabing talinghaga, ang tanong niya ay dalawa. Una, “Bakit umiwas ang pari at Levita sa biktima?” At ang sagot ay dahil daw ang unang pumasok sa isip nila ay, ‘Ano ang mangyayari sa AKIN kung tutulungan ko SIYA?’ At pangalawa, sa panig naman ng Samaritano, tinanong din niya, “Bakit nagmalasakit siya imbes na umiwas?” At ang sagot ay, dahil daw ang unang pumasok sa isip niya ay baligtad, ‘Ano ang mangyayari sa KANYA kung hindi ko SIYA tutulungan?’”
Alam nating kahit sino sa atin ay maaaring malagay sa sitwasyon ng biktima. Ganito ang sitwasyon ng maraming sa ating lipunan—mga nasasantabi, mga naiiiwanan, mga naliligaw, mga hinahamak at minamaliit. Mga walang disenteng tahanan, mga migrante, mga walang hanapbuhay, mga inaabuso, mga may kapansanan, mga nalululong sa droga, mga biktima ng karahasan, mga balo, mga ulila at mga bilanggo. Mga taong naudlot ang lakbayin sa buhay dahil sa mga tulisan sa lipunan. Mga pinagkaitan ng karapatan at kinabukasan, mga hindi makarating sa dapat paroonan—nakahandusay sa may tabi, sugatan, nag-aagaw-buhay.
KAMANLALAKBAY. Ito ang salitang Pilipino na gagamitin natin bilang katumbas ng SYNODALITY. Ang ituring ang BAWAT KAPWA dito sa mundo bilang kasamahan sa paglalakbay sa iisang landas ng buhay. Hindi lang kadugo o kapamilya, o kaparokya kundi bawat kapwa-tao at kapwa nilalang.
Walang duda, para sa maraming mga Katoliko, ang “kamanlalakbay” ay mga Kapwa Katoliko. Sa mga aktibong Katoliko sa ating mga parokya, ang kamanlalakbay ay ang mga kaparokya. Mga aktibo na sa simbahan, kasamang nagsisimba, nagdi-debosyon, kasamang naglilingkod at nakikibahagi sa mga gawaing pamparokya.
Ang “kaparokya” ay sanay nang makisangkot sa mga gawaing pang-simbahan, di ba? Sa mga pastoral na pagtitipon, sa mga pastoral planning, sa mga miting ng pastoral council, atbp. Sumasama, sumusuporta, sumusunod, pero ang marami sa kanila madalas ay ni hindi umiimik, pahapyaw ang pakikibahagi at lalong hindi namumuno. Mas sanay na maghintay sa iuutos o ipagagawa ng pari o ng Pastoral Council.
Sa diwang “sinodal”, mahalagang itanong, papaano kaya natin mas lalong mapauunlad ang pagiging kamanlalakbay ng mga laiko na nakapaloob na sa buhay at misyon ng simbahan? Ang diwang ito ng simbahang sinodal, ayon sa paanyaya ni Papa Francisco, ay may kinalaman sa tatlong prinsipyo: pakikibuklod (communion), pakikibahagi (participation) at pagmimisyon (mission).
Sa diwang ito, hindi ba tayo dapat magtaka, bakit mas maraming mga binyagang Katoliko ang halos hindi natin nakikita o nakakahalubilo sa loob ng parokya? Ang iba ay matagal nang tumiwalag. Mayroon sa kanilang matagal nang walang kinalaman sa simbahan kahit Katoliko pa rin ang turing sa sarili nila. Bakit kaya?
Mas marami sa mga binyagang Katoliko ang mga dukha, mga “isang kahig-isang-tuka”, mga palaboy sa lansangan, mga nasa laylayan ng lipunan, mga factory workers, mga vendors sa palengke, drivers, katulong, mangangalakal, atbp.
Marami sa kanila ang hindi sanay dumalo sa Misa dahil kailangang maghanap-buhay kahit pag Linggo, o maglaba, magluto, matulog, magpahinga para kumayod na muli at may maipakain sa mag-anak. Hindi man nagsisimba nagdidibosyon kapag araw ng Nazareno, o ng Ina ng Laging Saklolo, Pistang Santo Nino, nakikibasa ng pasyon kapag Mahal na Araw, nasa may gilid ng patio kapag Simbang gabi at Pasko. Nagpepenitensya, namamanata, nakikilakad sa mga prusisyon, ngunit lagi, nasa may mga gilid, sa may sulok, sa mga tabi-tabi, na parang hindi kasali. Ano ang kailangang gawin upang sila rin ay maging lubos na kamanlalakbay natin?
Sino pa, bukod sa kapwa Katoliko, ang ating kamanlalakbay? Ang ating ibang mga kapwa Kristiyano. Walang duda, ang ibang Kristiyanong hindi natin kasama sa Simbahang Katoliko ay hindi natin aasahang makiisa sa ating pagsamba at mga pastoral na gawain sa Simbahan. Ngunit ano ba ang dahilan upang hindi natin sila maituring na kamanlalakbay, gayong iisang Diyos din ang ating sinasamba, iisang Espiritu Santong tinanggap sa binyag, iisang Kristong Anak ng Diyos at Manunubos ang ating sinusundan. Mga kapitbahay din natin sila, o kabarangay, o kaklase, o katrabaho, kababayan.
Sino pa bukod sa kapwa Kristiyano ang ating kamanlalakbay? Marami pa—mga Muslim, mga Chinese communities na Buddhist, mga taga-ibang relihiyon o walang relihiyon. Hindi man natin sila aasahang pumasok sa ating mga simbahan at lumahok sa ating mga gawain, kapwa-tao rin naman natin sila. Walang dahilan upang hindi natin sila maituring bilang kamanlalakbay kung iisang daigdig lang ang ating tahanan, kung may malasakit din naman sila sa kapaligiran, naghahangad din sila ng katarungan at kapayapaan, may malasakit din sila sa mga dukha at mga nasasantabi sa lipunan?
Wala tayong monopolyo ng malasakit sa daigdig at sa mga dukha. Hindi tayo nag-iisa sa maraming adhikain sa lipunan. Maraming mga ahensya ng guyerno (national, LGU, Barangay) at mga ahensyang hindi-pang-gubyerno (NGO’s), mga civic organizations at people’s organizations na maaari din nating makasama sa pagtugon sa pangangailangan ng kapwa, lalo na sa panahon ng kalamidad, mga salot tulad ng pandemyang Covid19, at sa pagharap sa maraming problemang panlipunan.
Tayo na, mga kapatid, sa buong Diyosesis ng Kalookan. Tayo na’t makilakbay. Ito ang daan ni Kristo—ang daan ng pag-ibig na tumutubos, and daan ng krus at muling pagkabuhay. Tayo na’t sama-samang makinig, magkuwentuhan, kumilatis sa galaw ng Espiritung patuloy na lumilikha at nagbibigay buhay sa sanlibutan.