241 total views
Kapanalig, nasanay na tayo na base sa mga taon-taong datos, ang pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa ay sakit. Ngayong tumataas ang death rate ng Pilipinas dahil sa drug war ng ating pamahalaan, magbabago ba ang listahan na ito?
Base sa opisyal na datos noong 2013, tinatayang umaabot sa 1,458 persons ang namamatay sa ating bansa kada araw dahil sa iba ibang sakit. Anim sa sampung kamatayan ay mula sa Luzon. Kadalasan, ang lalake ang unang namamatay, kapanalig, kaysa babae, maliban na lamang pagtuntong sa edad 75, kung saan mas marami na ang babaeng namamatay dahil na rin sa katandaan.
Sinasabi rin ng mga opisyal na datos na heart attack, stroke at cancer ang pangunahing dahilan ng pagkamatay sa ating bansa. Habang nagiging modernisado naman ang ating lipunan, ang car crashes ay umangat na rin na dahilan ng kamatayan sa ating bansa.
Tingnan natin ang mga datos: Kada araw, 276 Pilipiono ang namamatay dahil sa heart attack. Kada minuto, may isang Pilipino naman ang namamatay sa stroke. Pagdating naman sa cancer, tinatayang siyam na Pilipino ang nada-diagnose na may kanser kada araw. Sa kabuuan, ang top ten causes of death sa ating bansa, base sa 2014 datos ng World Health Organization ay kadalasang mga sakit. Pang labing isa ang karahasan o violence. Ngayong maigting ang laban sa droga at tumataas ang death rate dahil dito, papasok na ba sa top ten leading causes of death ang drug-related killings?
Kapanalig, tinatayang may average na sampung taong may diumanong kaugnayan sa droga ang namamatay kada araw simula ng pumasok ang bagong administrasyon. Kung ang datos na ito ang pagbabasehan, sa ika-50th araw ng bagong pamahalaan, 500 na ang namamatay sa ngalan ng droga. Ito ay konserbatibong pagtataya.
Kapanalig, ang mga nasa top ten causes of death ng kahit anumang bansa ay mga areas of priority and concern ng health sector. Maraming pagsasaliksik, maraming mga programa ang nilulunsad upang mabawasan ang kamatayan mula sa mga ito, kahit pa sabihin man ng ilan na kanser na yan, wala ng pag-asang gumaling yan, o sakit sa puso yan, kasalanan din niya yan. Sa droga, kung saan maraming public controls maliban sa shoot to kill ang magagawa, tila ninais pa ng marami na tumaas ang bilang ng namamatay kasya makita ang mga big fish at ugat ng problema na ito.
Masalimuot na usapin ang isyung ito, ngunit kailangan itong pagdiskusyunan ng ating lipunan upang lumabas ang tama at nararapat na gawin. Ang nakakatakot dito ay ang ma-sanitize o masanay tayo na lagi na lamang may mga bangkay na tumatambad sa ating pang-umagang balita kada araw. Lahat ng buhay ay mahalaga, kaya nga lahat tayo, sa pagbubuntis pa lamang hanggang sa katandaan, ay humahanap ng paraan upang pangalagaan at payabungin ito.
Ang Evangelium Vitae, bahagi ng ating panlipunang turo ng Simbahan ay may angkop na gabay sa ating panahon at sitwasyon ngayon: This moral uncertainty can in some way be explained by the gravity of today’s social problems, sometimes mitigating the responsibility of individuals, but it is no less true that we are confronted by a true structure of sin, which takes the form of a “culture of death.” This culture denies solidarity and is fostered by currents that encourage a society that is excessively concerned with efficiency. It is in a certain sense a war of the powerful against the poor.”