340 total views
Nanawagan si Otchie Tolentino – Zerowaste Campaigner ng Ecowaste Coalition sa Local Government Unit na bigyang diin ang full implementation ng RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.
Ayon kay Tolentino, 17 taon na nang maisabatas ito subalit magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naipatutupad ng maayos sa lahat ng mga Barangay lalo na sa Metro Manila.
“Nananawagan muli tayo sa mga Local Government Officials, specially sa mga Barangay officials, sana ay ipatupad na natin ang sinasabi ng batas RA 9003, ang Ecological Solid Waste Management Act kung saan 17 taon nang naipasa pero hindi pa siya hundred percent na na-iimplement at the barangay level.”pahayag ni Tolentino sa Radyo Veritas.
Dagdag pa nito, sinabi ni Tolentino na kung maayos na maipatutupad ang Ecological Solid Waste Management Act, ay mababawasan ang madalas na pagbaha dahil sa mga kanal na barado ng mga basura.
“Pagka-umuulan ng malakas, yung basura nila sa mga bahay-bahay, sinasabay nila sa agos ng tubig na malakas, kaya maaaring kung ganun ang gawi ng mga tao at wala pang waste management sa Barangay nila, or sa municipality, talagang magiging cause yan, makaka-aggravate lalo ng flood.”dagdag pa ni Tolentino.
Ngayong buwan ng Enero ipinagdiriwang ang Zero Waste Month batay sa Presidential Proclamation no. 760, bukod dito, ipinagdiriwang din simula ika 26 hanggang 29 ng Enero ang ika-17 anibersaryo ng pagpasa sa RA 9003.
Ngayong taon, ang selebrasyon ay may temang “Engaging Response to the Changing Environment” at inaasahan na magiging mas aktibo ang pagtugon dito ng mga local na pamahalaan.
Magugunitang sa Laudato Si ni Pope Francis, binigyang diin nito ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kapaligiran, dahil sa kasalukuyan ay unti-unti nang nagmimistulang malawak na tambakan ng basura ang daigdig.