324 total views
Ang diwa ng batas ang dapat na mangibabaw at sundin ng mamamayan.
Ito ang binigyang diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa usapin ng paglabag sa batas ng maagang pangangampanya bagamat wala pang mga opisyal na kandidato at hindi pa nagsisimula ang campaign period para sa May 2022 elections.
Ayon sa Obispo na isa rin sa mga nagbalangkas ng 1987 Constitutions, ang diwa ng batas ang dapat na mangibabaw at isabuhay ng bawat isa sa halip na hanapan ito ng butas upang maisakatuparan ang mga pansariling interes.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani na ang diwa ng batas ay ang pagtatakda ng partikular na panahon sa pangangampanya.
“Yan ang sinasabi ko ano bang iniisip lang natin yung letter lang ng batas o ang diwa ng batas? At ang diwa ng batas ay una asikasuhin muna ang trabaho habang hindi pa election time, asikasuhin para focus na focus. Ikalawa dapat walang lamangan, may mga taong nasa poder. Huwag muna ninyong intindihin ang eleksyon, ibig sabihin ay asikasuhin ninyo ang inyong trabaho at ikalawa walang lamangan pantay pantay ang laban…”pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na ang diwa ng batas ay upang magkaroon ng naaangkop na panahon ang mga kandidato upang mangampanya at ang mga botante upang masuri ang kanilang desisyon para sa nakatakdang halalan.
Unang binigyang diin ni Bishop Bacani na ng pagmamalasakit sa bayan ay hindi lamang nangangahulugan ng pakikibahagi sa pagsugpo ng katiwalian at kurapsyon kundi maging sa pamamagitan ng matalinong pagpili ng mga karapat-dapat na lider na mamumuno sa bayan.
Sinabi ng Obispo na dapat na ituring na salamin ang mga ginagawang paglabag ng mga kandidato sa mga panuntunan ng pangangampanya sa halalan.
Matatandaang nilinaw ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na hindi pa maituturing na paglabag sa premature campaigning ang pagkakabit ng mga election paraphernalia sapagkat wala pang mga opisyal na listahan ng mga kandidato para sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Nasasaad sa Section 13 ng Republic Act 9369 na maituturing lamang na isang opisyal na kandidato ang isang indibidwal matapos na mag-file ng certificate of candidacy at magsimula ang campaign period sa February 8, 2022 na batay sa calendar of activities ng COMELEC para sa May 2022 elections.