1,523 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Kamay ni Hesus healing church ang pagpapalawak sa misyon ng simbahan gamit ang modernong teknolohiya.
Ito ang pahayag ni healing priest Fr. Joey Faller, ang founder at administrator ng Kamay ni Hesus sa Lucban Quezon sa pagpasinaya ng Altanghap TV ni Fr. J nitong September 9.
Nais ng pari na paigtingin ang pagbabahagi ng Salita ng Diyos at bigyang diin ang kahalagahan nito sa buhay ng tao.
“This Kamay ni Hesus TV ni Fr. J aims at strengthening our task of evangelization, conversion and renewal of the people, as well as magiging instrumento ng kagalingan,” pahayag ni Fr. Faller sa Radio Veritas.
Iginiit ni Fr. Faller na nararapat maging sentro ng buhay ang Salita ng Diyos na magsisilbing liwanag at gabay ng bawat isa sa paglalakbay.
Ginanap ang pagpasinaya sa Kamay ni Hesus Altanghap TV kasabay sa pagdiriwang ng ika – 34 na anibersaryo ng pagkapari ni Fr. Faller.
Naniniwala ang healing priest na sa mahigit tatlong dekadang pakikibahagi sa misyon ni Hesus sa bokasyon ng pagpapari ay higit na maabot ang mas maraming mananampalataya sa pamamagitan ng teknolohiya at internet lalo na sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Ikinagalak ni Fr. Faller na maglingkod sa healing ministry at binigyang diin na tanging si Hesus ang nagpapagaling sa mga may karamdaman at siya ay instrumento lamang ng Panginoon na nagsisilbing daluyan ng biyaya nang pagpapagaling.
September 9, 1989 nang maordinahan si Fr. Faller bilang pari at kasalukuyang pinangangasiwaan ang Kamay ni Hesus Healing Church kasama ang ilang pari ng Diocese of Lucena.