179 total views
Kabiguan at kawalan ng kredibilidad ng kampanya kontra droga ng pamahalaang Duterte ang pagsasantabi ng kaso ng Department of Justice (DoJ) sa mga hinihinalang drug lords.
Ayon kay dating Solicitor General Atty. Florin Hilbay,ang pangulo mismo ang nagsabi na si Peter Lim ay isang drug lord at kabilang sa mga kaniyang talaan ng mga ‘drug personalities’.
Sa inilabas na resolusyon ng DoJ isinantabi ang kaso laban kina Cebu-based businessman Peter Lim; self-confessed drug pusher na si Kerwin Espinosa; convicted drug na si Peter Co at iba pang drug personalities.
“May malaking problema kasi ang sinasabi ng prosecutor general ay mali ang impormasyon ng presidente nung siya ay nag-aakusa. Dahil sinasabi ng presidente meron syang listahan ng mga drug lord wala na pong kredibilidad ang listahan na ‘yun. That’s assuming na tama ang assessment nung prosecutor general in the first place,” ayon sa pahayag ni Hilbay.
Paglilinaw din ni Hilbay na ang desisyon ng DoJ sa pamamagitan ng prosecutor general ay inilabas noong December 20, 2017 at itinago lamang sa publiko.
“Pagnireverse ng Secretary of Justice alam naman nila na binago lang dahil may public pressure. Alam nyo po dapat tandaan na itong desisyon ng prosecutor general Dec.20, 2017 tinago sa mamamayan ng tatlong buwan,” ayon pa kay Hilbay.
Sa isang pahayag ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sinabi nitong hindi patas ang ‘due process’ sa bansa sa pagitan ng mga hinihilang drug lords at small time drug pushers.
Ayon kay Bishop David na siya ring vice-president ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mga mahihirap na suspected drug pushers na napaslang ay hindi man lamang nabigyan ng due process.
Sa tala ng human rights advocates, may 13,000 na ang bilang ng extra judicial killings o pinatay na may kaugnayan sa ilegal na droga kabilang na dito ang higit sa 4,000 na napatay sa police operations.