1,479 total views
Tiniyak ni Senator Pia Cayetano ang pagpapaigting sa adbokasiyang magsusulong sa kalusugan ng bawat Pilipino.
Ito ang mensahe ng mambabatas makaraang gawaran ng World No Tobacco Day (WNTD) Award ng World Health Organization kamakailan.
Ayon kay Cayetano isang karangalan ang pagkilala subalit batid ang kaakibat na tungkuling ipagpatuloy ang health advocacy sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
“It’s an honor, but I consider it a happy burden also that I will carry, as I continue to speak up about what we need to do, what we need to ban, and what we need to regulate, in any opportunity that I get.” bahagi ng pahayag ni Cayetano.
Inialay ng mambabatas ang natanggap na parangal sa kanyang mga magulang na sina late Senator Rene Cayetano at Sandra Cayetano na naghubog at nagturo sa kahalagahan ng malusog na pamumuhay.
Kilala ang mambabatas na nagsulong ng Sin Tax Reform Act at Graphic Health Warning Law upang paigtingin ang kampanya laban sa paninigarilyo na isa sa pangunahing sanhi ng malubhang karamdaman.
Pinasalamatan ni Cayetano ang mga grupong katuwang sa pagsusulong ng adbokasiya kabilang na sina Dr. Maricar Limpin, ang director ng Action on Smoking and Health (ASH) Philippines; Dr. Yul Dorotheo, executive director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance (SEATCA); Dr. Antonio Dans, professor ng University of Philippines College of Medicine; at ang policy think-tank, Action for Economic Reforms.
Ayon kay WHO Representative Dr. Rui Paulo de Jesus ng Timor Leste ang pagkilala ay bunsod ng malaking ambag ni Cayetano sa tobacco control sa Pilipinas.
Sa datos ng Lung Center of the Philippines, 321 Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa tobacco-related diseases habang walong milyon naman kada taon sa buong mundo kung saan mahigit sa pitong milyon dito ang direktang gumagamit ng tobacco at isang milyon ang second-hand smoke.