173 total views
Mga Kanapalig, may pahiwatig na naman si Pangulong Duterte na bigo ang kanyang administrasyong sugpuin ang problema ng ilegal na droga. Noong nakaraang linggo, sinabi niyang lumala raw ang problema sa droga sa ating bansa, at maaaring matulad tayo sa bansang Mexico kung saan namamayagpag ang mga drug cartels o sindikato ng droga.
Gaano katotoo ang paghahalintulad na ito ng ating pangulo? Mayroon kaya siyang matibay na batayan upang sabihin iyon?
Ang kampanya laban sa iligal na droga ay masasabing pinakatampok na programa ng administrasyong Duterte. Marami ang naniwala sa kanyang sinabi noong kampanyang mawawala ang bawal na droga sa bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Pagkatapos ng isang taon noong 2017, inamin niyang “miscalculation” o maling pagtatantya ang maikling panahong ipinangako niya upang lutasin ang problema sa droga. Ngayong tatlong taon na siyang nasa puwesto, sinasabi sa atin ngayon ni Pangulong Duterte na nariyan pa rin ang problema at naging mas matindi pa ito sa kabila ng marahas at magastos na kampanya ng pamahalaan kontra droga at sa kabila ng pagkasawi ng libu-libong suspek na pinagkaitan ng tamang proseso ng batas.
Iba sa pananaw ni Pangulong Duterte ang pananaw ng pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA. Para sa kanya, malinaw na nagwawagi tayo sa laban kontra droga kung ang pagbabatayan natin ang bilang ng mga inaresto, mga nag-surrender sa mga awtoridad, at mga barangay na idineklarang “drug-free”, gayundin ang kabuuang halaga ng ipinagbabawal na gamot na nasabat sa mula sa mga nahuling high value targets at high-impact operations ng PDEA. Natuon daw marahil ang atensyon ni Pangulong Duterte sa bilyong-halaga ng drogang nasasamsam sa mga operasyon ng awtoridad. Dagdag pa ng hepe ng PDEA, sa dami at laki ng halaga ng mga nakuhang droga, hindi malayong maisip ng sinuman na tila nga lumalala ang drug situation sa bansa. Isabay pa rito ang mga balita tungkol sa mga tinaguriang “floating cocaine” o mga bloke ng cocaine na natagpuang palutang-lutang sa dagat ng Dinagat Island, Siargao, at Camarines Norte noong Pebrero.
Nagdudulot ng kalituhan ang magkasalungat na pahayag ni Pangulong Duterte at ng PDEA. Hindi natin malaman kung gaano nga ba kalaki pa ang problema natin sa droga, bagay na itinatanong ng marami noong pang nagsisimula ang marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa droga. Paano nga ba malalaman ang angkop at epektibong solusyon sa isang problema kung wala namang malinaw na datos at ebidensya ng lawak at laki nito? Hindi kaya mas lumalalâ ang problema natin sa ipinagbabawal na gamot dahil batay lamang ang tugon ng pamahalaan sa mga exaggeration at haka-haka ng ating mga lider? Mula nang magsimula ang “war on drugs” ng administrasyon, makailang ulit nang nag-iiba-iba ang tinatayang bilang ng mga gumagamit at nagtutulak ng droga. Kaya hindi nakapagtatakang sa halip na ayusin ang datos upang magkaroon ng matibay na batayan ang programang ito, naging abala ang administrasyon sa paglalabas ng narco-lists.
Mga Kapanalig, mahalagang nakabatay sa totoong ebidensya ang mga patakaran ng pamahalaan dahil buhay ng tao at ang kinabukasan ng bayan ang nakataya. Paano natin masasabing tama ang inihahaing solusyon ng ating mga lider kung batay lamang iyon sa kanilang haka-haka? Paano itinataguyod ng pamahalaan ang karapatan at dignidad ng mga mamamayan kung kapritso lamang ng isang tao ang ginagawang batayan ng mga hakbangin nito? Paalala nga ni Saint John XXIII sa Pacem in Terris, bigo ang isang pamahalaang gampanan ang tungkulin nito kung hindi nito kinikilala ang karapatan ng mga pinaglilingkuran nito. At nalalabag ang mga karapatang ito kung hindi nakatungtong sa katotohanan ang mga patakarang ipinatutupad ng pamahalaan.
Sumainyo ang katotohanan.