189 total views
Titiyakin ng Greenthumb Coalition na bibigyan ng sampung milyong boto ang kandidatong magdadala ng green agenda na poprotekta sa kalikasan.
Ito ang binigyang diin ni Jaybee Garganera, National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina, na kasapi ng koalisyon ngayong dalawampung araw na lamang bago ang halalan.
Dagdag pa ni Garganera, buong ibibigay ng mga environment advocates ang kanilang suporta, sa kandidatong magsusulong ng malinis na kapaligiran at malusog na pamayanan.
“Pinaninindigan ng Greenthumb coalition na yung pumirma ng sampung milyon para labanan yung pagmimina, yun yung lalapitan natin muli at hihikayatin na itong mga kandidato na may green agenda ang syang suportahan natin. Bagamat mahirap mag account ngayon ng botante, sisikapin ng greenthumb coalition na balikan at kumbinsihin yung sampung milyong pumirma na dapat itong makakalikasang kandidato ang iboto natin.” Pahayag ni Garganera sa Radyo Veritas.
Gayunman siniguro rin ni Garganera na mananatiling mapagmatyag ang kanilang grupo kung tutuparin ng kandidatong mahahalal ang ipinangako nitong pangangalaga sa kalikasan.
Sa ika 22 ng Abril kaalinsabay ng pagdiriwang ng Earthday, nakatakdang ihayag ng Green Thumb Coalition ang impormasyong nakalap nito sa pamamagitan ng Green Scorecard.
Una namang hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mahigit 54.6 na milyong rehistradong botante na gamitin sa tama ang karapatan nito sa pagboto dahil ito ang magiging daan upang magbago at mapaunlad ang lipunan.