418 total views
Hindi makatuwiran ang mga desisyon at plano ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito ang reaksyon ni Benedictine nun Sr. Mary John Mananzan, OSB – Convenor ng Movement Against Tyranny at election watchdog na Kontra Daya kaugnay sa pagtanggap ni Pangulong Duterte sa nominasyon ng partidong PDP-Laban upang kumandidato sa pagka-bise presidente sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Ayon sa Madre na siya ring Director ng St. Scholastica’s College Institute of Women’s Studies (IWS), maituturing na kahihiyan para sa bansa ang naturang planong pampulitika ng pangulo na bukod sa hindi pinag-isipan at hindi makatwiran ay isa ring tahasang paglabag sa Konstitusyon ng Pilipinas.
“That is against the Constitution kasi you are buying for a position that [you] will not be able to do your main task, hindi ba. Nagtataka na ako wala na bang rationality itong Duterte administrasyon na ito, I mean I cannot believe na talagang parang we are talagang ruled by irrationality, walang commonsense at nakakahiya, I mean to say I love my country but I’m ashamed of it at this moment sa mga ginagawa ni Duterte,” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Madre na nasasaad sa Konstitusyon ng bansa na ang pinakamahalagang tungkuling dapat gampanan ng bise presidente ay ang magsilbing kahalili sakaling hindi magampanan ng pangulo ang kanyang tungkulin bilang pinakamataas na pinuno ng bansa.
Iginiit ni Sr. Mananzan na dahil sa pagiging kasalukuyang presidente ni Pangulong Duterte ay hindi na nito maaring gampanan ang nasabing pinakamahalagang tungkulin ng isang bise presidente sapagkat nakasaad sa ilalim ng Saligang Batas ang pagsisilbi sa loob ng anim na taon o isang termino ng isang Presidente ng bansa at hindi na maaari pang tumakbo para sa panibagong termino ng pagkapangulo.
“It is really labag sa ating spirit ng Constitution kasi yung Vice President ang pinaka-importanteng task niya is to take-over when the President is incapacitated diba, but it is in our Constitution na a President can only have a one term of 6 years and hindi na pwede na ma-re-elect, so right from the start hindi magagawa ni Duterte yung main function niya kung ma-elect siya as Vice President, diba? nawala na talaga yung function.” Dagdag pa ni Sr. Mananzan.
Una ng binigyang diin ni 1987 Constitutionalist, Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na ‘absolute’ ang probisyon sa Saligang Batas na nagbabawal na muling maging pangulo ang isang pangulo ng Pilipinas na nakapaglingkod na ng isang buong termino dahilan upang mawalan ng karapatan para sa ‘succession’ ng katungkulan si Pangulong Duterte sakali mang manalo ito sa pagkabise presidente.